Image

PAMASAHE

“Ma’ma para sa tabi!”, malumanay na sigaw ng ale sa drayber ng dyip na sinakyan nya. Alas-10 palang ng umaga, sapat ang oras para maihanda at mailuto pag-uwi sa bahay ang pinamiling pananghalian ng pamilya.

“Ale bayad mo muna!”, nakakunot noo’ng hiyaw ng drayber sa kanya. Nagulat ang ale sa sinabi ng drayber. Kanina lang nung kasasakay pa lamang nya ay nag-abot na kaagad sya ng otso pesos pamasahe sa drayber na ito. Tandang-tanda ng ale na nakapagbayad na sya dahil beinte na lamang na buo ang nasa bulsa nito. Imposible din namang hindi sya matandaan ng drayber dahil nasa likod lamang sya ng driver-seat nakaupo.

pamasahe

“Ale, manloloko ka ah. Siguro’y araw-araw mo ginagawa ito. Akin na’ng pasahe mo!”

Namula sa pagkapahiya ang ale. Sa tanang-buhay nya’y ngayon lang ito nangyari. “Ilang beses ba ako kailangang magbayad sa inyo ma’ma? Nagbayad na ako ah.”

“Manloloko ka ale. Siguro’y araw-araw mo ito ginagawa!”

“Huwag kang magsalita ng ganyan ma’ma, drayber ka pa naman. Baka makarma ka!” Nanliliit na sa pagkapahiya ang ale. Sinusulyapan nya ang isang lalakeng nakasaksi sa pag-abot nya ng pasahe kaninang kasasakay pa lamang nya sa dyip. Ngunit hindi ito umiimik o sumisenyas. Hindi siya ang nakasalang. Wala siyang pakialam.

“Ale alam ng drayber kung sino ang hindi pa nakakapagbayad! Manloloko ka ale!”

“Putris ka! Paano mo matatandaan lahat?” Puno ang ale ng hinanakit hanggang magsikip ang dibdib at pumusyaw ang kulay ng kanyang paligid.

Maikling kwento ni Elmer Arisgado

SUMABOY ANG GATAS SA KALYE ANTIPOLO

Patuloy lang sa paglalakad ang ale habang binabaybay ang kalye ng Antipolo St., sa Sampaloc, Maynila. Malalim ang iniisip at mukhang ayaw paggambala mula sa sigawan ng mga tao sa paligid.

Wala pang isang buwan nang iwanan nya sa probinsya ng Sorsogon ang kanyang nag-iisang anak na si Jane. Pinaalagaan nya muna ito sa kanyang ina habang siya’y nasa Maynila para mangatulong sa isang mayamang pamilya.

Awang-awa sya sa anak na lagi na lamang Am – tubig mula sa unang kulo ng sinaing na bigas, ang pinadidede buhat nang mabalo ang ale noong makagat ng cobra ang asawang manggagapas sa palayan.

Pangarap ng ale na bumili ng ilang lata ng gatas na Nestogen 1 para kay Jane sa unang sweldo para makabawi ang katawan ng bunso. Bukas ay linggo, day-off nya sa trabaho, pinayagan sya ng amo na makauwi sa kanila sa probinsya para madalaw ang anak kahit ilang oras lang. Aabangan nya ang unang byahe ng tren bandang alas-4 ng madaling -araw sa Tutuban, siguro’y mga alas-3 ay makakadating na sya sa kanila. Mga alas-7 siguro ang huling byahe ng tren kaya sasabay na sya dito para makadating ng madaling-araw sa bahay ng amo nang sa ganoon ay hindi naman madala sa pag-uwi nya isang beses sa isang buwan.

Sa isip-isip nya, mahabang panahon na rin ang apat na oras para mayakap at mahagkan ang anak. Maswerte na sya sa pagsulit sa apat na oras na iyon lalo pa at may ilang lata ng Nestogen syang maiiwan sa anak, sapat na siguro hanggang sa susunod na katapusan na may maiuuwi muli syang gatas.

Kaya pagkaabot ng amo ng kanyang sweldo, kinuwenta agad nya magkano ang gagastusin sa limang lata ng Nestogen 1 -P357 bawat isang 900 grams; pamasahe sa tren balikan – P400; iaabot sa nanay panggastos sa bahay – P500. Sa kwenta nya ay kulang P200 nalang ang matitira sa budyet  para sa personal naman nyang pangangailangan. Hindi na importante sa kanya iyon. Ang mahalaga ay makauwi, madalaw ang anak at  may maiabot sa nanay para sa gastusin sa bahay.

Naglalaro na sa isip nya ang magiging itsura ni Jane sa  ilang buwan na sunud-sunod na pag-inom ng masustansyang gatas. Nakikita nyang mataba, matalino at masiglang nag-lalaro ang masayahing anak na sasalubong sa kanya sa pinto tuwing dadating mula Maynila. Kung sabagay, tabain naman talaga noon pa si Jane kaya alam nyang magiging mabilis ang pagganda ng katawan nito. Hindi nya napansin ang kanyang paghagikhik na dahilan ng paglingon sa kanya ng mga nakasalubong na mga tao galing ng palengke ng Dapitan. Pero wala syang pakialam anuman ang isipin ng mga tao.

Patuloy lang sa paglalakad ang ale habang binabaybay ang kalye ng Antipolo St., sa Sampaloc, Maynila. Malalim ang iniisip at mukhang ayaw paggambala mula sa sigawan ng mga tao sa paligid.

“Ale andyan na ang tren!”

Ibinaba na ang barandilya para harangan ang pagtawid ng mga sasakyan. Sa ilang sandali ay mapapalitan ang mga dyip sa pagiging hari ng kalsada.

“Ale huwag kang tatawid andyan na ang tren!”

Maging ang maingay na sirena ng tren ay hindi nakagambala sa pangangarap ng ale.

Noong umaga na iyon, nahugasan ang maitim na kalsada sa bahaging ito ng kalye ng Sampaloc at naging mabango ang amoy ng paligid mula sa sumaboy na gatas-pambata na kanina’y hawak ng ale, pasalubong sa kanyang anak.

Maikling Kwento ni Elmer Arisgado

Sa Panahon ng PAGKAUPAW

Hindi pa nakakapaso ang sikat ng araw, alas-9 ng umaga, iika-ikang naglalakad palapit sa Deking’s Barbershop si Mang Poli para magpagupit. Malayo pa ay matatanaw na ang nakabungisngis na mukha  bilang babati sa kumpareng barbero na si Tata Deking na noo’y abala sa panggugupit.

“Pare mukhang madami kang kliyente ngayon a!”, bati ni Mang Poli. Sabay uupo sa bakanteng bangko.

“Oo pare, malapit na ang pasukan sa eskwela kaya isa-isa nang nagpapagupit ang mga bata. Magpapatabas ka ba pare?”, usisa ni Tata Deking. Ilang buwan na ring hindi nagpapadalaw sa barberya si Mang Poli. Palibasa’y numinipis na ang buhok at halos upaw na ang bumbunan kaya hindi na kailangan masyado ng maintenance.

Dati-rati ay isang beses sa isang buwan ay walang palyang magpapagupit ng buhok si Mang Poli kay Tata Deking. Sa barberya habang ginugupitan, madami silang napag-uusapan: mga usapang tiyak umiikot sa mga isyu ng pulitika, basketball at artista – ‘Ika nga ay PBA.

“Oo pa-trim lang pare.” Sabay hawi pataas sa manipis na nyang buhok. Madali ding bumalik sa bagsak na ayos ang ilang kumpol ng bangs. Nangintab sa repleksyon ng araw ang kanyang bunbunan. Nilibot nya ng sulyap ang mga kabataang nakapilang sunod na gugupitan upang mabawasan ang makakapal at buhaghag nilang buhok. Matapos manligid ng kanyang paningin ay napayuko ito at ilang saglit nanahimik.

Nakangising tinititigan ni tata Deking ang buhok ng batang kanyang ginugupitan. Parang lumilikha ng ritmo at melodiya ang paulit-ulit na pagtabas ng matalas nyang gunting sa buhok ng kabataang ginugupitan; at sumasayaw sa hangin ang naputol na kumpol ng buhok, bago lumapag sa sahig.

Maikling Kwento ni Elmer Arisgado

Supot pa si onse

Nang sinuntok nya ako at pumutok ang nguso, hindi ko yun ininda, hindi ko yun naramdaman. Mas masakit ang panunuksong inaabot ko kay Tony sa tuwing nasasalubong sya sa labasan.

Kababata ko si Tony, kame nila Kuykoy, J.B, Onel at Rr sa lugar namin sa Maligaya. Magkakasama kameng naglalaro ng agawan base, baseball, football at black 123 sa  bukid. Madami kameng kalokohan kapag magkakasama.

“Hoy Onse supot! Patuli ka na kung hindi mutain ang magiging anak mo.” Yan ang laging salubong saken ni Tony nitong ilang mga buwan kapag nagkikita kame.Palibhasa mga tuli na sila at ako nalang ang natitirang may lambi na nakabalot sa ulo ng aking titi. Noong nakaraang bakasyon nang silang lahat ay nagpatuli sa barberya ni Tata Deking. Tuwing bakasyon ay hindi nalang  buhok ang ginugupitan dito kundi pati narin titi ng mga nagbibinata tulad ng mga kababata ko.

Malas lang dahil hindi ako nakasabay sa kanila noon sa pagpunta sa barberya ni tata Deking. Katwiran ko sa edad  kasing 11 ay hindi pa ako tagpos kaya hindi pa dapat tuliin. Ngayon ay nasa kalagitnaan ng taon sa eskwela, hindi magtutuli si Tata Deking. Ang kahulugan noon ay ilang buwan ko pang titiisin ang kantyaw ng aking tropa.

“Supot na Onse! Mutain ang magiging anak mo nyan. Patuli ka na!” kantyaw muli ni Tony habang naglalaro kame ng basketball nila Kuykoy, J.B, Onel at Rr. Napahiya ako. Nawala ang konsentrasyon sa paglalaro. Hindi gumana ang aking mga peydawey, hook shot at jump shot. Lalong nawalan ng bisa ang aking mga lay-up dahil kahit mga tropa kong sila Kuykoy ay sumasama na rin sa pagtawang pinasimulan ni Tony.

Minsan sa tindahan nila aling Iska habang bumibili ako ng softdrink, kinantyawan nya ako ng ganito sa harap ng maraming tao. Para akong nanliit sa gitna ng halakhakan at hiyawan ng mga tambay na mga binata sa amin. Nakakagalit lalo tingnan ang naglalawa sa laway na bunganga ni Uman habang pinagtatawanan ako. Sa inis ko ay kumaripas na lamang ng takbo pauwi sa amin.

Ilang araw akong nagmukmok sa bahay. Pinagtyagaang sabayan ang trip panuorin na palabas sa t.v ng nakababata akong kapatid-  ang Heidi(anak ng kabundukan) at Sarah( ang munting prinsesa) sa gabi ay ang drama na Ezperansa at Mula sa Puso.Kating-kati na ang paa ko na tumakbo sa  bukid at manghuli ng mga nagliliparang subsob-tae(maliliit na salagubang) sa paglubog ng araw. Hindi ko muna yun magagawa dahil kapag nakita ako ni Tony ay tiyak kakantayawan muli nya ako ng mga katagang nagpapapanting sa aking pandinig.

Akala ko magiging mapayapa na ako pagdating sa eskwela. Ilang lingo na ring bahay-eskwela nalang ang mundo ko dahil sa pag-iwas sa mga kantyaw ni Tony. Pero nakalimutan yatang sa paaralang pinapasukan ko, ay doon din pumapasok si Tony at ang tropa kong sila J.b, Kuykoy, at Onel. Lamang lang sila ng isang taon saken, grade 5 ako at grade 6 silang apat.

Tinakpan ko ang aking mukha at nakayukong sasalubong sa dagsa ng papauwi nang mga grade 6 na sina Tony. Papasok palang kame na mga grade 5. “Hoy Onse supot! Akala mo hindi kita makikita ha. Patuli ka na kung hindi mutain ang magiging anak mo”, bulyaw muli ni Tony sa akin.

Halos gusto ko nang mamatay nung oras na iyon. Gusto kong biglang maglaho, mag-teleport gaya nang ginagawang technique ni Son Gokou. Gusto kong maglaho sa sobrang kahihiyang supot pa ako. Hindi pa ako tuli at baka maging mutain ang magiging anak ko balang-araw.

Pero teka bakit ko ba ito dinadamdam? Ano ba kung hindi pa ako tuli? At ano ba ang kinalaman ng pagiging supot sa pagiging mutain ng magiging anak ko? Sabi ni Kuykoy nung nagkukwentuhan kame isang gabi, habang naka-upo sa mga manhole na nagpapabigat sa poste ng ring ng court, na kailangan daw matuli ng isang nagbibinata para maging malinis ang katawan. Marumi daw kasi yung mga puti na tinatawag na kupal na nasa ilalim ng mga lambi. Kaya para mawala yun ay dapat matuli para maging malinis.

Sabi naman ng cathecism teacher naming  si Sis. Susan, nagsimula daw yung tradisyon ng pagtutuli na tinatawag na “Rite of Passage” sa mga hudyo noong panahon ni Abraham nang tinuli nya si Isaac. Hudyat ang ritwal na ito na maaari nang hanapan nang mapapangasawa ang binatang edad 12. Tulad ng sa ngayon, ang dahilan nya ay para maging malinis si Isaac.

Kung ganun dahil supot pa ako ay marumi na ako? Paanong yun ang naging pamantayan? Araw-araw akong naliligo bago pumasok sa eskwela at nagsisipilyo ng ngipin, hindi tulad ni Tony na inirereklamo ni Titser Ongchangco ng pagiging dugyutin. Pumapasok  nga ito  na may panis na laway pa ang bibig at gulu-gulo ang buhok na hitik sa lisa.

Napanatag ang loob ko. Dumerecho ng paglalakad papuntang klase. Hindi ko na pinansin ang walang patid na tawanan ng mga kamag-aral pang-aasar sa akin ni Tony. Nagtatawa ang ilan sa kanila kahit tulad ko din namang supot pa. Natatawa sila dahil hindi sila yung inasar pero kung sila yun ay baka sobra pa sa reaksyon ko ang gagawin nila.

Habang nagtuturo si Ms. Pillo ng aralin sa HEKASI(Heograpiya, Kasaysayan at Sibil) kaugnay sa katangian ng Bansang Pilipinas (Likas-Yaman at Yamang-Tao) ay naglalaro sa isip ko ito…

At sino ang supot sa amin? Sila na natatawa dahil mayroong isang bata na supot pa. E sino ba ang sinilang sa mundo na tuli? Sila yata itong supot ang isip. Kapag hindi sumabog ang paputok, tinatawag na supot. Kapag  hindi lumipad ang space rocket ni Dexter sa kanyang laboratory sasabihing supot din. Lahat ng palpak ay supot!

Kung ang kahulugan ng supot ay palpak, e kung ganun ay supot din si Pangulong Ramos at Erap na sinundan ni Gloria at ngayon ay si P.NOY. Dahil lahat sila ay kasuputan ang naging programa at polisiya. Hindi pa rin natatagpos ang pagiging supot sa kahirapan ng mahigit kalahati ng mga Pilipino. Supot ang mga senador at kongresista dahil puro budyet na lang nila ang pinagdidebatehan sa halos buong taon imbes gumawa ng batas. Supot ang Korte Suprema dahil usad pagong pa rin ang pagresolba sa mga kaso tulad ng nangyari sa kapitbahay kong si Mang Ed na pinatay ng isang pulis dahil napagbintangang drug-pusher.

At supot ang ekonomiya ng bansa dahil hindi pa rin ito makaigpaw sa utang panlabas at pag-asa sa pag-iimport ng mga produkto base sa napag-aralan namin sa HEKASI kanina. Higit sa lahat ay supot ang kamalayan ng mga Pilipino. Dahil nananatiling kolonyal, materialistiko, at tatak alipin ang madami sa mga ito. Parang si kuya Cesar na kapitbahay namin na naniniwalang  wala nang pag-asa ang Pilipinas. Mabuti pa daw sana kung hilingin sa U.S na gawin nila tayong probinsya. Nasa Maligaya lang sya buong buhay nya at naghihintay ng kung anong swerteng dadating. Katwiran nya ay wala namang pinag-iba ang pananatili sa paglayo. Huwag nalang daw kumilos. Huwag nang gumalaw.

Pagka-alas-6 ng gabi, tumunog na ang buzzer. Oras na ng uwian. Tumakbo ako ng pagkabilis-bilis pauwi ng bahay. Hindi dahil may hapdi at humihilab ang aking tiyan kung hindi gusto kong makaharap si Tony, ang tuli kong kaaway.

“Hoy Tony tama na ang pamamahiya mo sa akin. Supot nga ako pero ilang buwan na lang ay matutuli na rin. Ikaw tuli ka nga pero parang supot ka pa rin!” sigaw ko sa kanya nang maabutan ko syang naglalaro ng luksong baka sa bukid kasama ang katropa nyang sina Harlo at Mamong.

Sinuntok nya ako bigla sa nguso. Agad itong sumabog at nagdugo. Siniko ko naman sya sa likod at sinuntok sa sikmura. Napaluhod si Tony sa sakit ng masikmuraan. Tumalikod ako para umuwi ng bahay. Kampanteng matatapos na ang pangangantyaw dahil mayroon akong napatunayan ngayong gabi. Supot nga ako pero mayroong lakas. Mayroong lakas ng loob na makakayang harapin ang labahang puputol sa sobra kong lambi.

Sinuntok ako ni Tony. Sabog at nagdudugo ang nguso sa lakas ng kanyang suntok. Pero hindi ko yun ininda. Hindi ko yun naramdaman. Mas tumimo sa akin ang mga salita nyang ako ang pinatatamaan. Supot nga ako, e ano naman? Bukas makalawa haharapin ko si Tata Deking at puputulin itong sobrang balat sa gitna ng aking katawan.

Kung gusto mo Tony, titingnan ko pa habang ito ay nilalabaha ni tata Deking.

At mula sa leksyong natutunan ko kay Ma’am Pillo ngayong araw tungkol sa katangian ng Pilipinas, susubaybayan ko rin ang kasuputan ng lipunan. Pag-aaralan ko kung saan at kung papaano ako maka-ambag para mapatagpos ito mula sa kanyang kasuputan.

At pusta ko wala akong aray na ibubulong sa hangin. Mas masakit ang salitang binitawan kaysa sa suntok na bumasag at nagpadugo sa aking nguso- na nagpatuli sa akin. ###

Maikling Kwento

Ni Elmer Arisgado

Mayohan

Nagsasalimbayang mga tunog

Naglalakihang mga awdyo sa apat na sulok

Doon ang okasyon sa pusod ng bundok.

Gayak na ang  sibi2,

Inakit nang sapilitan ang mga dalaga at nene,

Upang maisayaw ng mga lalakeng mag-aambag ng limos

Sa selebrasyon ng kapistahan:

Pampagawa daw ng bahay-pamahalaan – sabi ni kapitan.

Ang mayohan ay pasasalamat sa poon,

Sa masaganang ani at supling na makakahig

Sa awa at biyaya ng panginoon.

Wari ko’y dinig sa langit ang mga halakhak,

Bumabaha ng lambanog,

Natutunghayan sa wakas ang mga lingkod-bayan

At pauli-uling nakikipagkamay at iniyayabang ang kanilang kahusayan,

Habang hinahalukay ng ingay ang mga laman-loob ng mga nagsasaya.   

Mapang-akit ang sayaw ng mga binata at dalaga

Habang walang patid sa paglalasing ang mga hermano at hermana;

Saksi sa kanila ang imahe ng kanilang patron,

Sa magdamagang pagpupuri sa gintong guya4.

Dahan-dahan namang tinutusok ang kanilang mga mata

ng mga pailaw na tulad ng espada.

*Mayohan ang tawag sa selebrasyon tuwing Mayo at Hunyo ng mga taga-Timog Katagalugan bilang pasasalamat sa masaganang ani. Kinatatampukan ito ng mga sayawan, paglalasing at handaan.

COVID 19: Biglang Pihit sa Natural na Paggalaw ng Sangkatauhan na Nagdudulot ng Mas Tumitingkad na Tunggalian

Mistulang bilanggo ang higit sa kalahating bilyong mamamayan  sa higit 100 bansa sa buong mundo sa kasalukuyan, sa pagpapatupad ng mga community lockdown bilang tugon sa pagkalat ng kinatatakutang COVID 19 o Corona Virus.

Sinasabing nagsimula sa Wuhan, Hubei, China sa huling bahagi ng noong taong 2019; nanggaling umano ang sakit mula sa pagkahilig ng mga Tsino sa mga exotic na pagkain partikular ng mga paniki na may natural na corono virus sa kanilang katawan. Mula sa pagkain na ito, naisalin ang sakit sa tao at ngayo’y kumakalat na at nakakapanghawa sa buong daigdig.

Idineklara na ng World Health Organization (WHO) ang sakit na ito bilang pandemya (pandemic) dahil sa dami at saklaw ng bilang at mga bansang  apektado ng nasabing sakit. Nasa bingit diumano ng panganib ang pananatiling buhay (existence) ng humanidad dahil dito.

Habang sinusulat ko ang artikulong ito, tinatayang nasa  338, 724 tao na ang nagpositibo sa COVID 19, at higit 14, 687 na ang namamatay. Pinakamadami sa mga naitalang naapektuhan ay ang bansang Italya, na sa kasalukuyan ay nalagpasan na ang naitalang rekord ng mga naapektuhan sa pinagsimulan ng sakit na ito sa China. Sa katunayan, ang Tsina sa panahong ito ay nagdeklara nang napagtagumpayan na nila ang pagsawata sa pagkalat ng sakit na ito at ngayon ay pinapakalat na ang kanilang mga medical professionals para tumulong naman sa ibang mga bansang labis naman ngayong pinapahirapan ng pagkalat ng sakit gaya ng Italya, Serbia at Iran.

Dito sa Pilipinas, unang napaulat ang pagpasok ng virus enero 12 nang isang turistang Tsino na positibo sa sakit galing Tsina ang dumating sa bansa. Sa panahong iyon, mga dayuhang turista lamang ang napapaulat na nagpositibo sa sakit. Subalit, unang linggo ng marso nang maitala ang unang kaso ng local transmission o pagkahawa ng mga Pilipino sa ating bansa. Mula noon ay sunud-sunod na ang paglaki ng bilang ng mga nagkakasakit at namamatay. Marso 12 nang ideklara ng Pangulong Duterte ang community quarantine sa Metro Manila, na agad itinaas sa Enhanced Community Quarantine pagsapit ng Marso 14 sa buong Luzon. Ilang probinsya at syudad naman sa Visayas at Mindanao ang nagpatupad na rin ng katulad na kautusan ng kanilang lokal na pamahalaan gaya ng Iloilo, Zamboanga del Sur, South Cotobato, Iligan City at Davao City. 

Mula dito ay naging limitado na ang paggalaw (mobility) sa tinatawag na essential movements ang konstriksyon sa tinatayang 57 milyong Pilipino. Nagsara ang operasyon ng libu-libong mga opisina, paggawaan at empresa, at nilimitahan sa iskemang work-from-home ang ipinapatupad sa mga trabahong akma para dito gaya ng BPO (Business Process Outsource), clerical works, at iba pa; o work stoppage (tigil-operasyon) sa mga hindi aplikable sa iskemang ito.

COVID 19 sa Pilipinas – Nagguhit ng Malinaw na distansya sa pagitan ng Mayaman at Mahirap

Lantad na sa mga Pilipino – na hindi birong sakit ang COVID 19. Sa isang iglap ay kaya nitong patayin ang mga pasyenteng may mahihinang resistensya sa pamamagitan ng pagharang sa mga daluyang ng hangin patungong baga. Ilang bidyo ng mga biktima ang naipalabas kung saan makikitang ubos lakas na naghahabol ng hangin ang isang pasyente hanggang mapugtuan ito ng hininga. Pinakabulnerableng mahawaan ang mga may edad, bata, at mga pre-existing na sakit sa baga.

Habang isinusulat ang artikulong ito, nasa 380 na ang kumpirmadong positibong pasyente sa Pilipinas at 25 ang patay, at patuloy pa ang pagtaas ng bilang ng mga pasyente. Hindi pa kasama dito ang dumadami na ring Pilipinong nagpositibo sa sakit na ito sa mga bansang Singapore, Japan, China, Italya at iba pa. Libu-libo naman ang nakakategorya bilang Persons Under Investigation (PUI) at Persons Under Monitoring (PUM) o iyong nairekord sa contact tracing na mga nakahalubilo ng mga nagpositibo sa sakit. May ilang komunidad naman na may higit sa dalawang (2) insidente ng positibong pasyente ang nagpapatupad ng extreme enhanced community quarantine.

Ilang kilalang tao na rin ang kagyat na nakumpirmang positibo gaya ni Sen. Miguel Zubiri, Christopher De Leon, at Joey Bautista ng bandang Mulato na kalaunan ay namatay nang hindi man lang nakumpira kaagad na nagpositibo pala sa sakit.

Nagkukumahog ang iilang may kapasidad bumili na mag-panic buying at mag-imbak ng pagkain para sa kani-kanilang kunsumo. Nagkakaubusan na ng suplay ng alcohol, face masks at pangunahing produkto. Ang iba’y nagsasamantala sa paghuhoard o pagkontrol ng paglabas ng suplay ng mga produkto upang ibenta ito sa mas mahal na halaga.

Itinakda ang paggamit ng quarantine pass sa mga komunidad – isa lamang ang maaaring lumabas sa bawat pamilya upang makabili ng esensyal na pangangailangan sa mga pamilihan sa mga itinakdang oras. Ipinapatupad ang mga curfew. Bawal nang lumabas ng bahay ang sinuman sa pagitan ng ika-8 ng gabi hanggang ika-5 ng umaga. Nakalatag ang kabi-kabila ang mga checkpoints ng mga naka-full battle gears na mga pulis at sundalo sa bawat hangganan (boundaries), upang matiyak ang paglimita ang paggalaw ng mga tao at ma-check ang temperatura ng katawan ng mga dadaan kung posibleng may sintomas ng sakit.

Nabunyag sa huling pagdinig sa senado ng komite ng public safety and health, na tila hindi handa ang Kagawaran ng Kalusugan sa pagtugon sa posibilidad ng pagpasok ng epidemya. Kakarampot ang bilang ng mga testing kits at testing machines upang masuri ang mga pinaghihinalaang positibo ng sakit. Binawasan pa nga ng higit 20 bilyong piso ng kongreso ang pondo ng kagawaran sa pambansang budyet para sa taong 2020.

Kasagsagan naman ng pagdami ng mga may sakit sa Tsina nang hingin ng mga ekspertong medikal sa punong ehekutibo na ipatupad ang travel restrictions ng mga turistang papasok sa bansa galing sa mga lugar na may napapaulat ng pagkalat ng sakit. Subalit pipi’t bingi ang pamahalaan, na patuloy pang ibinuyangyang ang pintuan ng bansa sa ngalan umano sa pag-unlad ng komersyo’t kalakalan, turismo at pagbubuwis lalo’t higit sa larangan  ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

At ngayong may pagdami na ng bilang ng kaso ng mga maysakit, nabunyag naman ang pagsibak sa puwesto ng isang assistant secretary ng Department of Health (DOH) dahil sa hindi pagsunod sa kautusan ng kalihim nitong si Sec. Duque – na unahin ang pagsuri at paglabas ng result sa mga VIPs o prominenteng tao at pamilya nito kaysa pag-intindi sa test results ng paparami nang Persons Under Investigation (PUI) o kaya ay pagreserba ng nasabing mga testing kits para sa kalaunay paggamit ng mga frontliners na mga medical personnel na pinakabulnerableng mahawa ng sakit.

Kawalang malasakit naman ang ginawang pahayag ng samahan ng mga may-ari ng pribadong ospital na nagnanais na payagan silang huwag nang tumanggap ng mga pasyenteng positibo sa COVID 19, gayong sila ang may pinakasopistikadong kagamitan at pasilidad para dito.

Napaghahalataan ang kakapusan at kawalan ng kasanayan ng pamahalaan sa paglalatag ng mga mekanismo o guidelines sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine. Ipinasa ang bola sa pagtugon ng krisis sa lokal na pamahalaan, Marso 12; na kaagad namang binawi Marso 20, nang may ilang lokal na pamahaalang lider ang pumuna sa kawalan ng malinaw na direktiba at tulong pinansyal ng pamahalaang nasyunal  sa pagsolusyon sa krisis. Bukod pa dito, ilang lider lokal ang naging matingkad sa pagpuri ng mamamayan sa kahusayan sa pagtugon sa problema at pagtiyak ng kagalingan ng kanilang nasasakupan sa gitna ng mas maraming pulitikong lokal na matingkad din ang kamangmangan at pagkainutil sa pamumuno.

Umuugong ang balitang, naghahangad ngayon ang punong ehekutibo ng dagdag na kapangyarihan (emergency power) upang kunin ang kontrol ng pamahalaan sa mga pangunahing negosyo gaya ng sa pagkain, kuryente, tubig, telekomunikasyon, pampublikong transportasyon at medikal.

Naging mas matingkad sa yugtong ito, ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga uri at saray ng lipunan. Nariyan ang panayam sa isang nagpipigil sa pag-iyak na taxi drayber na nagsabing “mahirap maging mahirap sa panahong ito.” Isang kulumpon ng mga taong yagit sa baywalk ng Roxas Blvd. sa Maynila ang nagsabi ng kabalintunaan (irony) ng ipinapatupad na lockdown: “Nag-lockdown kayo para maiwasan ang paghahawaan at pagkalat ng virus pero kaming walang bahay, pinabayaan nalang ng gobyerno basta-basta.”

Ilang negosyo naman ang nagpupumilit na mag-operate sa kabila ng lockdown at pagkaparalisa sa paggalaw o transportasyon ng mga manggagawa. Sa katunayan, ilang manggagawa pa nga ang tinatakot sa iskemang no work, no pay bukod pa sa bantang mawalan ng trabaho kung hindi papasok. Animo’y martsa ng kamatayan (death march) kung ilarawan ng isang empleyado sa Maynila ang mahabang lakaring kanyang binagtas, makapasok at makauwi lamang galing sa trabaho.

Habang may iilang negosyanteng nangakong magbibigay ng ayuda sa kanilang mga empleyado, ang kalakhan ay walang pakialam sa kanilang mga manggawa at nagkasyang pabayaan na ang huling umuwi sa kani-kanilang probinsya nang walang matatanggap na tulong mula sa kanilang pinagtatrabahuan.

May mga kumpanya sa konstruksyon na hinayaang manatili sa kani-kanilang sites ang mga manggagawa sa pag-aakalang mabilis lamang matatapos ang lockdown bukod pa doon sa mga kumpanyang walang kahandaan sa posibilidad ng krisis. It’s too early to tell. Let’s wait for the advice from the government. At nang pumutok na ang krisis, hindi na mahagilap ang mga boss na nagsasabing maaga pa para magbigay ng desisyon – nahuli ang paglabas ng memo, na-trap ang mga manggagawa sa mga sites na may limitadong suplay ng pagkain at inumin.

At nang minsang lumuwas at naglakad ng pagkahaba-haba papuntang warehouse ng kumpanya upang singilin ang pangakong suplay ng rekurso kapalit ng tuluy-tuloy na trabaho, pinandirihan pang huwag papasukin sa loob ng bakuran ng kumpanya sa takot na maaring kuntaminado na ng sakit at sa posibilidad na makahawa sa kanilang mga nasa loob.

Hindi iilang katutubo sa Sierra Madre, Zambales, at sa Mindanao ang umaalma na sa kagutuman bunga ng pagkansela ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa implementasyon ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program, bukod pa sa umiiral na pag-contain sa kanila sa kanilang komunidad sa bundok.  

Milyon sa mga manggagawang informal sector o para-paraan sa paghahanap-buhay ang nangangambang mauunahan pa silang mamatay sa gutom kaysa mamatay sa sakit dulot ng COVID 19  dahil sa kawalan ng mapagdidiskartehan pambili ng pangunahing pangangailangan sa araw-araw. Nagpapadagdag sa pag-aalala ang mga pahayag ng mga lider sa lokal na pamahalaan na kapus umano ang kanilang pondo para mabigyan ng tuluy-tuloy na relief goods ang kanilang mga constituents. Ika nga ng isang kapitbahay sa Quezon City: “hindi pa nga nasisimulang mamahagi, nagrereklamo na ng kakulangan. Nagbigay nga dalawang banig na vitamins, 150ml. ng alkohol, isang karampot na sabong panligo, at dalawang face masks pero napakalaki naman ng sisidlan at ang imprentang pangalan ng pulitiko. Nagbabanta pang hindi bibigyan ang mang-bash sa kanya sa social media.”

Walang katiyakan kung hanggang kailan ang ipinapatupad na community lockdown. Isang banaag ng pag-asa ang pagdeklara nang Tsina na nasusugpo na nila ang pagkalat ng sakit. Sa katunayan, unti-unti nang ibinabalik sa normal na operasyon ang lungsod ng Wuhan mula sa apat (4) na buwang tigil-operasyon nito.

Subalit sa maraming bansa, nagsisimula pa lamang ang laban. Sa Italya, napahagulgol sa pag-iyak ang kanilang pangulong si Charles Michel, sa pagdaramdam kung papaano pa masusolusyunan ang problema sa sakit gayong libu-libo na ang namamatay sa sakit. Malaking palaisipan pa kung papaano madidispatsa ang daan-daang bangkay.

Sa Serbia, halos manikluhod ang kanilang pangulong si Alexandar Vucic, na padalhan sila ng Tsina ng mga gamot at medical na kagamitan lalo’t nagkakanya-kanya na ang mga bansang kabilang sa  European Union sa pag-iimbak ng kani-kanilang suplay mediko.

Sa Estados Unidos, umiiral na ang state of emergency bilang tugon sa dumadaming kaso ng mga pasyenteng positibo sa COVID 19. Nagpapalala naman sa isa pang panlipunan karamdaman –  ang rasismong (rascist) pahayag ng pangulo nitong si Donald Trump, na pagtawag sa sakit bilang Chinese virus.

Pangalawa na ang Iran sa may pinakamaraming bilang ng mga pasyenteng nahawaan ng sakit at libo na rin ang nangamatay.

Sa Gitna ng Krisis, Umiiral ang Pakikisa at Simpatya sa Kapwa-tao

Habang, nagkakanya-kanya ang malalaking bansa para tugunan ang kani-kanilang krisis hatid ng COVID 19, umiiral naman ang pakikiisa (solidarity) mula sa mga bansang pinakahindi inaasahan ng marami gaya ng daan-daang medical officers na Cubano na ipinakakalalat ngayon sa Italya at iba pang bahagi ng Europa upang makapanggamot.

Ang mga beteranong duktor na kagagaling lamang sa nakakapagod at ilang buwang pag-duty sa Wuhan, Tsina ay boluntaryo muling tumugon upang tumulong naman sa ibang bayan.

Sa Vietnam, walang patid ang paggawa ng mga manggagawa sa pagmamanupaktura ng surgical masks at iba pang personal protective equipments upang maipadala sa mga bansang nangangailan.

Ang mga manggagawang-kultural naman at mga artistang-bayan, na nasuspinde ang mga gig at konsyerto dahil sa ipinapatupad na lockdown, ay nag-oorganisa ngayon ng mga concert for a cause at fund raising activities gamit ang alternatibong lunsaran sa social media; upang makalikom ng ponding pambili ng pagkain upang ipamudmod sa mga nangangailangan.

Ang karamihan naman ay nagdadamayan sa isa’t isa sa pamamagitan ng peers support na kailangan upang manatiling malusog ang ating mental na kalusugan sa gitna ng cabin fever at anxiety na dinaranas ng marami dulot ng biglaang pagkakulong sa kani-kanilang mga tahanan. 

Isang ginintuang pagkakataon naman ang mahabang oras na mayroon ngayon ang mga mamamayan upang isumbong at harangan ang mga tagapagkalat ng mga pekeng impormasyon (fake news) sa social media, sa pamamagitan ng sabayang pagba-block at sensura sa mga ito; at bawiin ang internet mula sa mga trolls at bayarang aparato ng propaganda ng mga nasa poder ng kapangyarihan.

Laban sa mga mapagsamantalang amo, natututunan naman ng mga manggagawa – organisado man o hindi, na makipagkaisa sa kapwa nya manggagawa upang ipaglaban ang mga benepisyong dapat nyang makuha sa panahong ito at sabayang tumanggi sa mga palusot at mapanlamang na galaw ng mga negosyante para papasukin sa trabaho sa kabila ng banta sa kanilang kaligtasan.

Subalit mas mahalaga, higit kailan man higit na nauunawaan ng mga manggagawa ang importansya ng pagkakaroon ng mga unyon o samahan na magsusulong ng kanilang mga kagalingan. Sa panahong ito, mas kapansin-pansin ang pagkatakot ng kapitalista sa pagkabangkarote kaysa sa pagkalinga sa kundisyon at kaligtasan ng kanyang mga mangagawa – na nagbibigay ng yaman sa kanyang kumpanya.

Sa panahong ito, unti-unting nakikilala ng sangkatauhan na sa gitna ng pandemyang krisis, ang tagapagligtas na handang sumuong sa panganib ay hindi ang mayayaman, lider sa pamahalaan at mga sugo sa pulpito at abito kundi ang mga karaniwang manggawa tulad ng mga tagapaglinis, guwardiya, nars, duktor, at iba pang karaniwang manggagawa.

At sa huli, ang ultimong gamot sa pandemyang sakit ay ang pagbabago ng panlipunang kalagayan. Siguro nga’y paraan ito ng mundo upang papaghilumin ang malala at nagnanaknak na nyang sugat simula pa noong rebolusyong industriyal nang 1700s. Ilang eksperto ang naoobserbahan ang hindi pangkaraniwang pagbaba ng konsentrasyon ng carbon footprints sa atmospera ng daigdig.

Pagkakataon naman ito ng bawat isa upang makapagpahinga, humimpil sa iisang lugar at magnilay na sa huli’t huli, kapag nawala na ang lahat saka natin mahihinuha na hindi nga pala makakain ang pera. ####

*Marso 22, 2022; anim (6) na araw matapos magdeklara ng lockdown sa Metro Manila at mga karatig probinsya.

Limang Kwentong Dagli, sa gitna ng pandemya

Liham

Sa isang sulok sa loob ng bahay, makikita si aleng Iska na binabasa ang liham ng asawa:

Mahal,

Pasensya na at 30 piso lang ang laman ng sinadya kong iwan na wallet. Gamitin nyo nalang yan sa inyong pangangailangan. May sintomas ako ng sakit. May kaparehong sintomas ang anak nating si Nene. Huwag nyo na akong ipasok sa bahay. Ihatid nyo na lamang ako sa sementeryo o sa barangay. Mahal ko kayo. – Ed

Impit ang pagtangis ni aleng Iska. Pinapanawan ng hininga. Nakatitig sa kuhang larawan ng huling liham ng asawa – na hindi na niya maaaaring hawakan at baka sya pa ang sunod na  mahawaan. Kahit man lang sana ito, tanging ito man lang maaari nyang mayakap.

Buy bust

Sa balita: Isinagawa ang operasyon ng magkasamang operatiba ng NBI at kapulisan, huli sa akto ang dalawang suspek sa pagbibenta ng hinihinalang kahun-kahong alcohol at surgical masks sa mas mahal na halaga. Kakasuhan ang dalawang suspek sa  kasong paglabag sa consumers’ act at price act.

Napalagatak si Mang Tomas, “Mabuti’t hindi sila nanlaban! Kung nagkataon ay dagdag pa sa dumarami na ngang bilang ng patay..

Bagtasin Pauwi

Pinunit ang katahimikan ng umaga sa Bgy. Mayao sa Lucena, Quezon nang isang hindi pamilyar na mukha ang hapung-hapo at napaupo sa tapat ng tindahan ni nanang Basing.

“Ale, pwede po bang makiinom ng tubig?”, pagmamakaawa ng lalake.

Endong, ay bakit ba ika’y hapung-hapo? Saan ka baga galing? Wala ka pa manding mask, abay baka mahawaan ka ng sakit!,” usisa ni aleng Basing habang dali-daling kumuha ng pitsel at baso.

“Galing pa po ako.. ng Bulacan. Naglakad lang po.. ako dahil.. wala nang masakyan. Mahirap na po.. makipagsapalaran ngayon doon… tigil na po ang trabaho.., “ sagot ng lalake na halos dakmain ang pitsel at baso ni aleng Basing, kaagad uminom at putul-putol ang pagsasalita.

“Hoo totoo nga, dito nga’y naghihigpit na ang mga pulis. Sarado na ang mga negosyo. May checkpoint nang ikinakasa bawat sulok. Ay saan ka pa ba papunta nyan, endong?’, tanong ni nana Basing.

“Aaahhh!”, usal nya pagkatapos lagukin ang may tatlong basong tubig nang sunud-sunod. “Pauwi pa po ako sa Sorsogon. Siguro’y limang araw pang lakarin”, napahiwalay ng titig ang lalake kay nana Basing.

“Ay susmaryosep, mahabaging langit!”, tanging pag-antanda ang naging sagot ng matandang Basing habang nakatitig sa naghahabol-hininga pa ding lalake.

Relief Guds

Humahangos  na naghahabol sa grupo ng mga namimigay ng relief goods si aleng Amelita, isang umaga sa Sitio Mahabag, “Kapitan Fred, bakit naman ho ganoon, ako po’y nilaktawan bigyan ng relip ng mga tauhan ninyo.”

Nakakunot noong lumingon ang kapitan. At nang mapansing marami ang kulumpon ng mga taong nakatingin ay napawi ang asim sa mukha nito, “Ay ganoon po ba nanay? Ay ano pong pangalan ninyo.” Sabay ladlad ng listahan para mabasa.

“Amelita Ricahuerta po, kapitan. Ako po’y nangangalakal ng diyaryo’t garapa pero hindi na po makakilos ngayon at ako po’y pinagbabawalan lumabas. Ako po’y senior na. Ako la-ang po ang bumubuhay sa dalawa kong apo na iniwan na ng magulang. Kami po’y wala nang makain, kapitan” saad ng matanda na sunud-sunod umusal ng mga paliwanag.

Malumanay ang naging tugon ng kapitan Fred subalit may diin at may talas na sumugat sa puso ni aleng Amelita, “ay nanay, kayo po’y hindi botante sa barangay ko po. Ay pasensya na nanay, ito pong relip ay para laang sa botante ano po.”

Nanginginig ang kamay ni aleng amelita, napahawak na lamang sa kanyang bibig na pigil sa paghikbi at wala nang naiusal pang salita. Napakuyom naman ng kamay ang dalawang apong nakatunghod mula sa kalawanging bintana na gawa sa tagpi-tagping yero. Dali-dali silang lumabas upang damayan ang humihikbi nilang lola…

Kwarantin Pas

“Asan ang kwarantin pas? Bakit walang selyo ito? Balik sa inyo!,” pasigaw ng bantay bayan na si Kardo kay mang Julian na sana’y papunta sa palengke para bumili ng makakain ng pamilya. “Ano’t selyo ang hinahanap mo, e galing sa barangay itong papel na ito. Kita mo’t may pirma ni kapitan ito! Binayaran ko pa ng 20 piso.” Nanlilisik ang matang sagot ni mang Julian.

Kahit may pangamba sa kaligtasan ay napipilitang mamalengke ng kung anong kakayaning bilhin ang gaya ni Mang Julian dahil magdadalawang linggo na mula nang ideklara ang kwarantina sakomunidad ay wala pang ayuda o relip na ibinibigay ang pamahalaan.

Naputol na lamang sa pakikipagtalo si Mang Julian, nang bumusina sa likuran ang sasakyan ng hermano sa barangay sa darating piyesta, ang negosyanteng si Don Sebastian. Nasa loob ito ng magarang sasakyan na mukhang kakabili lang.

Napaigtad ang tanod na si Kardo at dali-daling ibinuka ang kawayang pangharang sa kalsada. “Tuloy po kayo Don Sebastian! Mag-ingat po kayo sa pandemya. Balita ko’y mayroon na pong maysakit sa inyong sabdibisyon.” Nakayuko at saludong pagbati ng tanod-bayan na si Kardo.

Busyador

Ni Elmer Yuri Arisgado

Nakatingin sa ulap sa gitna ng pag-aagaw ng dilim at liwanag
abala ang isip sa pagbalik sa mga ala-alang
Nabubuo ang samu’t saring imahe sa pagtanaw sa alapaap                                                                    Larawan ng masasayang gunita ng mga mahal.

Doo’y nakaupo s’ya sa kanyang pugad.
Sinasamyo ang malamig na hangin sa Silangan,
tila musika at halakhak ng masasayang sandali
ang daluyong ng mga alon sa Pasipiko.

Subalit hindi sya naglalakbay.                                                                                                                gunita lamang nya ang may paggalaw                                                                                            ngunit katawan ay tila tuod na maghapong nakabantay
sa mga pugad ng mga mapaglarong ibong Balinsasayaw.

Nakamasid sa paligid sa tuwi-tuwina ang mga mata,
subalit hindi sa paghihintay ng pagbabalik
ng kanyang anak o asawa.
Handang magtanggol laban sa mga magtatangkang
magnakaw ng pugad na yaman kung ituring niya.

Napapanis ng walang saysay ang kanyang mga laway,
nasanay nang maging manipis ang tono ng boses sa pag-iisa,
na syang kabaligtaran ng laway ng ibong binabantayan.
nadudurog at humihina ang pundasyon ng mga bundok,
subalit matibay sa araw-araw ang dalawa nyang paa at braso.

at ang mga pugad na kanyang maani,
katumbas na’y salapi, inumit sa ibong may-ari.
mga pugad ng balinsasayaw na pagkamahal-mahal,
sa kawalang palad ay hindi nya man lang matitikman ang sabaw.

Namumugad siyang walang inakay.
Siya na tanging nasa pugad ngunit walang naghahatid ng pagmamahal.                                        Ilang taon na ring hindi kapiling ang pamilya,                                                                                     Tila ba Alcatras ang islang binabantayan upang kumita.

Sumisikat at lumulubog ang gintong silahis ng araw,
hinahawa at niyayakap ng kanyang sinag ang mga alon sa dagat.
subalit sa lahat, siya lamang ang nag-iisa’t walang karamay
sa gitna ng malawak na pusod ng dagat.

Drayber at Mangingisda

ni Elmer Yuri Arisgado

Tulad ng Mangingisda ang isang drayber
Kapwa sila nagtitimon
Sa bawat pasadang pamamandaw sa malawak na karagatan.
Pasahero nila sa gabi’y sumibad na pusit o talakitok.
Pagkikitang naman ng buraw ang byahe sa pinakaabalang sandali.
Isda man o pasahero’y binubugaw palapit ng mga konduktor na busero.
Asin ang bawat pawis nilang pumatak:
Kayod marinong trabaho at sa kapwa ay namumuhay ng patas.
Pakikipagkaibigan sa kalikasan ang kaliwa’t kanan
Nilang pagmamasid
Sa paghalihaw sa lupa at tubig ng kanilang maya’t mayang
Pagmenor at pagkabig.
Ang mga tanod sa kalsada’y kadalasang nakaabang na pating at pirata,
Naghihintay silang tila maninila.
At kung ang mangingisda’t drayber ay walang sariling bangka,
Araw-araw silang tinutuklaw ng walo-walo,
At nilalatayan sa likod ng hataw ng buntot-page.