Sa tuwing magkatagpo,
Itinuring na tula;
Ngayon ay nagkalayo,
Itinuring na sumpa.
Month: May 2015
Ang Kapusukan ng Ulap
(Sierra Madre, Tanay, Rizal — Mayo 2013)
O ulap,
Kay aga namang makipagniig sa bundok.
Nakipaglampungan
Hindi dahil sa kaniyang patag at
patung-patong na luntiang lupa,
Kundi sa pagsasadya ng kataas-taasan ng
Lupang humahawak sa kaniya.
Kakuntsaba mo ang malakas na ulan
Na siyang lumikha ng puting telon
Upang di mailantad sa akin ang lihim ninyong dalawa.
Dapuan nawa ako ng malakas na paghihip,
Ikatutuwa kong ikaw ay paalis
Babalik sa nangungulilang alapaap
At malamang ay mapapatda ang tangkang paghihimok.
Sa Aking Bulaklak
Matagal na akong naghahanap ng pinakanatatanging bulaklak sa napakalaking halamamang matagal nang nagkasala sa Diyos. Nilibot at nilapitan ko ang bawat isa sa kanila ngunit ni isa ay walang gustong makasapit sa akin dahil mismong ako raw ang suliranin. Hindi sumama ang aking loob dahil totoo namang wala sa aking talasalitaan ang pag-unlad sa sariling puso at isipan. Ngunit sa hangaring maranasan ang tunay na pag-irog ay pilit na inaarok ang mga tinataglay ng mga nakakasapit sa puso ng dalaga kahit marami ang nagsasabing ito ay suntok sa buwan.
Sa una ay tinangka kong maging pantas sa pagkilates ng magandang kalidad ng bulaklak, ngunit napagtanto kong walang magaganap na pagdating dahil masyadong mataas para sa kanila ang aking hinihingi. Bakit kailangan ko pang mamili gayong isa akong hamak na taong kinapos sa magandang hulma ng mukha? Kaya naman ay humiling ako sa Diyos na siya ang mamili ng para sa akin nang hindi ako mabalutan ng mga agiw ng panahon. Ang sabi lamang Niya sa akin ay maghintay lamang ako ngunit kailangan ko ng pag-unlad sa akin. Hindi kasi nila nakikita kung gaano ako kapantas sa musika halimbawa at gaano ako kalawak sa mga pangyayari, ang nakikita lamang kasi nila ay ang katiting na bahid ng dumi sa aking puso at sabihin na nating nilalang na daig pa ang isang matandang palaboy sa kalye o batang tila bagong gising pagpasok sa paaralan.
Salamat sa ibinigay Ninyong mahahabang pisi at nariyan lamang pala ang bulaklak na aking hinahanap. Pasalubong Mo ito sa akin dahil inalagaan ko ang lahat ng mga ito sa napakalaki Mong halamanang makasalanan. Ayon sa Iyo, ang bulaklak mismo ang nais makasapit sa akin. Sa lahat ng mga bulaklak na aking inalagaan ay siya lang ang nakabatid sa aking pagkatao kaya wala akong inaksayang panahon.
Sa aking bulaklak: hindi ko inaakalang hahanapin ka pa sa aking halamanang pag-aari ng Diyos. Hindi nagkamali ang aking damdamin, natatangi ka sa lahat sapagkat ang kabutihan sa loob ng kasibulan ang namumutawi sa iyo.
Walang panahong dapat sayangin dahil ngayon pa lang ay maari na kitang bantayan. Huwag mo lang akong ituring isang prinsipe o hari, mas ituring mo ako bilang matalik na katuwang, isang kapatid ng Diyos, isang taong nagmula lamang sa alabok. Wala ni isang pangungusap ng pangako o tamis ng pagkasi ang aking maibibigay para sa iyo dahil naniniwala sa mga bagay (mabuti man o masama) ay walang pasubali, kusang dumarating, kusang ikinikilos ng damdamin kung kinakailangan, ngunit katulad ng sinabi ng Diyos sa sangkatauhan “Hindi kita pababayaan.”
Kung hindi mo mamasamain ay ituro mo rin sa akin ang mga paraan upang gabayan patungo sa aral ng kaloob ng langit, bagay na lalo kong ikasasaya. Ang tagapagbantay na sa budhi ko lamang naririnig at nararamdaman at sa panaginip lamang nakikita ay dumating na. Naniniwala kang ako ay maari pang magbago kung magkaroon man ako ng katiting na dumi sa aking puso kaya kung anoman ang iyong sambitin para sa kalooban ng kabutihan ay tatalima ako.
Seryosohin Din Kahit Papaano
Hindi biro ang pagsali sa mga patimpalak partikular na sa palakasan. Kailangan dito ng sipag, tiyaga, lakas, talino, at puso. Nabasa ko ang artikulo ni Cris San Pedro na schoolmate ko sa pamantasang aking pinasukan tungkol sa pamamayani ng puso sa paglalaro sa torneo.
Oo, alam nating nagsimula ito sa Gilas Pilipinas na kung saan nakakuha sila ng slot para sa FIBA world cup nang talunin nila ang South Korea sa semi-finals. Magmula noon ay ito na ang pambansang motto ng Pilipinas. Kahit sa larangan ng volleyball ay puso pa rin(heartstrong) ang ginamit ng mga manlalaro sa AVC U-23 na ginanap noong Mayo ngayong taon. It was a great experience na nakikita ang enjoyment ng paglalaro at dedikasyon nila sa pamamagitan ng kanilang mga puso.
Pero, ito ang punto. Kung titingnan natin kasi nang mabuti, ang mga manlalaro ng ibang daigdig ay mas magagaling kompara sa atin. Bakit? Kasi hindi lang puso ang ginagamit dito kundi utak. Ang China halimbawa, powerhouse talaga ng Asya iyan. Marami silang nakukuhang medalya (especially gold) kasi seryoso sila sa torneyo. Wala pang aktuwal na palaro ay naghahanda na sila sa dibdibang ensayo. Ang USA na pinakamalakas na koponan sa buong mundo, ginagamit ng parehong coach at atleta ang sports IQ nila upang manalo sa laban. Kung titingnan natin ang estilo ng kanilang paglalaro pati na rin ang mga manlalaro ng Brazil, Japan, Iran, Russia, at France ay nakatuon sila sa taktika’t skills. Eh ang Pilipinas, mayroon kaya nito? Mayroon naman, sa PBA, si Coach Yeng Guiao at mga manlalaro ng Rain or Shine E-painters na unorthodox ang estratehiya ng paglalaro. They have their strict coach pero lagi silang suki ng playoffs o finals pa nga eh. Minsan ay idaan din sa sindak, sermon, at sigaw ng boses ang mga manlalaro upang magising at mapagtantong kailangang seryosohin ang paglalaro.
May mga pagsasanay naman na ginagawa ang ating mga atleta. Iyon nga lang, sabihin na nating kulang sa suporta o pondo mula sa gobyerno pero kaya naman nilang manalo nang hindi kinakailangan ng mga nasabing aspekto sapagkat nasa kamay na nila mismo kung kaya bang manalo sa laro. Wala iyan sa pondo kundi sa talino at dedikasyong manalo. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay puro puso ang ginagamit natin dito, dapat pati utak ay kasangkot din dapat. Di pwedeng puso o utak lang ang gagamitin, dapat ay magkasama sila dahil kapag wala ang isa man sa kanila ay may posibilidad talagang matalo ang isang atleta o koponan.
“… perseverance comes from the heart. The mere fact that she played seriously amidst the mocking crowd displays an act of courage, courage that comes from the heart.”
Sabihin na nating ito ang paniniwala ng kaibigan kong si Cris tungkol sa aspektong ito. Totoo! Lalo na kapag newbie ka pa lang sa koponan o first time na lalahok sa international tournament pero paano na lang kung ang tagal mo nang naglalaro at wala ka pa ring naiuuwing kahit tanso o kung matalo man ay walang nakikitang effort ang coach sa iyo? Pangit ng laro? Sa palagay ko ay hindi na excuse iyon para doon. At isa pa, noon pa man, dekada ’50 hanggang ’90 ay may puso na talaga ang mga Pilipino sa paglalaro. Hindi na siguro kailangan ng #Puso dahil understood na iyon. Matagal na tayong may passion sa sports! Panahon na para seryosohin naman ang laro at gamitin ang utak, ang strategy nang paminsan-minsan.
“Intellect and physical capability can fail especially when a difficult opponent comes along.”
Ano ang bahagdan o probability na nagpapatunay na maaring pumalpak ang koponang idinadaan sa talino at aspektong pisikal? Bakit ang China ay nagawa nilang manalo nang talino at physical capability lang ang puhunan? Kung pumalpak man ito ay agad namang tatanggapin ng coach, ngunit isang wake-up call ito para maghanap ng panibagong estratehiya upang magulat ang kalaban. Sa una pa lamang ay kailangang paghandaan na ang susunod na makakalaban at panoorin kung paano maglaro ang ibang koponan ng ibang bansa. Siguraduhing iniisip din ng isang atleta kung paano manalo o kung paano magkakaroon ng magandang effort sa laro. Nasa atleta na ito kung nasa puso at isipan niya ang magdala ng karangalan sa bansa at kung seseryosohin niya ito.
Kung mabibigyan ako ng pagkakataon bilang coach ng isang atleta o koponan, hindi Puso ang magiging motto nito. Balikan natin ang natutuhan noon sa AP 1 na kung saan sinakop tayo ng mga Kastila at ang layunin nila ay 3G (Gold, God, Glory)/#GoldGodGlory at ito ang mottong gagamitin ko sa aking koponan. Di na mahalaga kung manalo o matalo at least nandoon ang sipag at effort na hinahanap ng coach para pahirapan ang mga kalaban. O para wala nang away ay balansehin din ang paggamit ng utak at puso.
Ang Bulaklak na PInili Mo
Maraming umaga ko na sila binabati
Sinasamyo sila ng tubig at liwanag Mo
Buong galak din silang kumakaway sa akin
Lalo na kapag umiihip ang hangin,
Ngunit nakakunot pa rin ang aking mukha.
Sa lahat na aking kinalinga sa halamanang ito,
Ay hindi pa rin ako makapagpasiya.
Hindi pa nahuhuli ng mga mata ko
Ang pinakamaganda sa kanila,
ang namumukod-tanging anyo
(o kung hindi ay samyo ng kabutihang-loob).
Ni isa sa kanilang lahat ay nahihiya pang
dumulog sa aking puso.
Kaya Ikaw, Anak na matuwid
Nakasalalay sa Iyo ang nararapat sa akin
Nang masaksihan ko naman ang tunay na
kapangyarihan ng pagsinta.
May tiwala ako sa Inyo.
Banig
Hindi ka na ba natututong
bigyan ng payapa ang katawan at kaluluwa?
Tanggapin na ang itinakdang ikaw
ay gagawing abo ng panahon.
Mababalutan ng mga agiw ang isipang
nakalilikha pa ng maraming makina,
ng maraming himig, o ng maraming imahinasyon.
Mababalutan ng mga agiw ang lamàng
pinanday pa ng mga taon.
Nalugmok ka na ngayon sa aking bitag.
Hinihila ng aking kalaparan
ang iyong sarili: nagbabagong-anyo — malapit nang
maging kalansay,
ang mala-lambak na mga kulubot sa balat, ang mga
hibla ng buhok na isang niyebe, mga ugat na naglilipana sa manipis na balat,
Kapagdaka’y susugurin ng karamdaman,
Pahihirapan hanggang sa hindi makagulapay.
Hindi ka ba matututong tanggaping
ikaw ay isang papalubog na araw sa kanluran?
Hindi ka ba matututong tanggapin
Na ikaw ay niyayapos ng taglamig?
Huwag ka nang umasang ikaw ay may lakas pa,
Sapagkat akay kita ng aking ginahawa,
ng kumot at unan.
Patawarin mo ako ngunit ganoon talaga:
Mula sa mga batak na laman hanggang sa
maging isang paralitiko. Nasa silid ka
at nakatingala. Unti-unting
namamaalam sa katawang-tao
Kasabay ng pagkagat ng dilim.
Humihingi ka ng himala mula sa Diyos
na ika’y ambunan pa ng kahiy dakot ng lakas,
o kung hindi man ay umamin at magsisi
Nang tanggapin ka Niya sa kahariang payapa.