Vladimir Levi

“…raised up the people. Inspired them to labor and valorous deeds.”

– Soviet Union National Anthem
I

Pitong taon sa magkabilaan –
sa hiwalay na teritoryo noon.
Tandang-tanda ko pa
ang gurong nagpakulo sa akin
ng dugo kasabay sa pagsipat
kong muli sa anuwaryo. Pero,

di bale..

Ikaw nga iyon

at unang nagkaharap.

Malayo pa ay tanaw ko
ang paghasik ng iyong liwanag
sa tuwing kami’y
nanginginig ang kamay
kapag kaharap na namin
ang iskrin at kaniig na namin ang dayo
sa aming mga pandinig.

Bagama’t payapa’y
madilim ang aking mukha sapagkat
bagabag sa araw-araw, tadtad na
ng suliraning pilit nginunguya!

Has welded forever to stand!

Ngunit pilit mo pa ring inaarok
ang nakatago kong ngiti sa labi –
Tila tinutulungan mo ako mula
sa pagkakasubasob sa daan.

Bagama’t payapa’y madilim pa
rin ang aking mukha sapagkat
matuwid akong nakatuon sa
paroroonan, hindi maaring mabuwal,
Obrerong insurekto buong
araw at gabi!

Musikang bumubulong
sa katatagan at bagsik
ng paggawa!

Sambahin si Lenin!

II

Ikaw
na naghahabi ng mahabang pisi.
Hinahatak
nang mahigpit
nang matiyak
na hindi ka mabubuway.

…strength of the people

Ikaw
na humahaplos sa amin
Sa tuwing dumarating
ang tag-ulan.
Hinahawi ng sarili mong araw,
sumusunod, muling nabubuo.
Ikaw
na nagtatanim
ng dunong
na habambuhay
tutubo
sa aming kamangmangan.
Para sa talas ng dalumat.

Bulwark of peoples in strong brotherhood!

Sa tanggulang ito, bagama’t luha
ang maiiwan, tuloy pa rin ang pag-abot
ng aking kamay
para sa mga dayo.
Para sa sarili kong lupa!

Tanggulan ng sinumang
gising ang mga dugo
upang tumalima sa iyo
sa pagiging matayog nitong samahan
Para sa mga dayo,
Para sa sarili kong lupa!