Sana ang mga bata ngayon ganoon din mag-isip kapag nararanasan nila ang parehong sitwasyon. Minsan ang gutom nakakatulong sa atin para mangarap ng mataas. Napatunayan ko na ang pangarap pala ay nakakatulong para mabusog tayo ng pag-asa.
Nitong linggo gutom na gutom akong lumabas ng bahay para makahanap ng makakainan. Hindi ko alam kung ano kakainin ko, pero gusto ng may sabaw. Sumakay ako ng bus biyaheng pa-Quiapo mula sa Pandacan at doon sa SM Manila bumaba. Pagkababa ko, agad na nag hello sa akin ang Andok’s at tila nang-aakit na tikman ko ang Sinigang na baboy nila. Tamang-tama sa nanunoot at sabik sa sabaw kong lalamunan, kaya doon ko na lang napagpasyahang kumain.

Andok’s Pork Sinigang Yumyum 🙂
Kung inaakala nyong magrereklamo na naman ako sa kinainan ko hindi no! (inunahan ko na kayo ) 😀
Lima hanggang pitong minuto ang hinintay ko bago na serve ang kumukulong ulam. Taragis! itsura palang, katakam-takam na! Pina-serve ko na rin agad ang mais con yelo ko, pasa sa bawat pag higop ng asim-alat na ulam, sasabayan ko ito ng matamis. (katakam!)
Habang kumakain, naalala ko dati noong kabataan ko. Ewan ko ba! tila may pagka time machine ang ulam na ito kaya naisip ko bigla ang mga bagay-bagay.
Noong bata pa kasi ako, kasama ng apat ko pang mga kapatid, naranasan naming pagsalu-saluhan ang laman ng i-isang lata ng sardinas. Hati-hati pa kami nun. Hindi ko lang alam kung 555, Ligo o Youngs Towns yun. Kung hindi ako nagkakamali wala pang 10 piso kada lata nun dati. Noon kasi, ako ang madalas utusang mangutang. Ganoon kahirap ang buhay namin. Mura pa halaga ng sardinas nun pero inuutang pa namin.
Salamat kay Aling Ningning na nagpapautang sa amin kahit lagi na lang syang nakasimangot sa tuwing ako ang uutusan mangutang. (Wala na sya ngayon sa lugar namin, nag-asawa na uli noong namatay asawa nya. Tsinismis pa. hahaha)
Ewan ko ba! Habang kinakain ko yung sinigang na baboy ng Andok’s, na mas madami pa kaysa sa kanin ko. Naisip ko yung pagkakataong hinahati-hati pa namin ang isang pirasong isda sa dalawa. Imaginin nyo kung gaano kaliit yun. Minsan nga umiiyak pa ako kapag hindi sa akin napunta yung parteng may tinik. (malambot kasi yung tinik ng sardinas sa lata, dagdag laman din yun sa tiyan).
Isipin nyo uli kung paano namin iyon nakakapagkasya sa limang magkakatid. Minsan nakikihati pa sa amin si Papa. (pero minsan lang yun kapag may tira, – yes! minsan may tira pa sa lagay na yun! haha). Kaya tuwang-tuwa kami kapag nagkakaroon ng higit sa apat na piraso laman ng isang lata ng sardinas.
Ilang pamilya pa kaya ang nasa parehong sitwasyon nun, sa ngayon?
Nakakatawa nga minsan, hindi man alam ng mga kapatid ko pero madalas nag iimagine na lang ako ng ulam na mas masarap pa sa sardinas.
Kapag naubos ko na ang ulam ko at may kanin pang natitira, iniisip ko na lang na mayroon ako nito:
Hmmmm.. prayd tsiken!
Hmmmm.. hatdog.
Hmmmm.. mitlop..
at iba pa.
Minsan, nababahagian pa ako ng mga kapatid ko kapag nagkakaroon pa sila ng sobra. Sa lagay na yun nagbibigayan pa kami. Higit sa lahat nagmamahalan pa kami nun. Ewan ko na lang ngayon kung mahal pa nila ko. hahhaa
Minsan kapag walang-wala na talaga, pati gatas na may asukal (kapag meron), toyo na may mantika (madalas toyo lang kasi mahal ang mantika) at ang hindi maubos-ubos na asin ang inuulam namin.
Kaya ganoon na lang siguro ka-emo noong hindi ko naubos ang Sinigang na Baboy ng Andoks sa dami. Ilang bata kaya ang hindi man nakakatikim ng ganoon sa ngayon? 😦
Madalas talaga sa pagkabata na’tin nagsisimula ang mga simpleng pangarap. Sa mga pangyayaring iyon uusbong ang mga kaisipan na dapat hindi na iyon maranasan ng bubuuhin mong pamilya. Kasi nga, alam mo ang pakiramdam.
Sana ang mga bata ngayon ganoon din mag-isip kapag nararanasan nila ang parehong sitwasyon. Minsan ang gutom nakakatulong sa atin para mangarap ng mataas. Napatunayan ko na ang pangarap pala ay nakakatulong para mabusog tayo ng pag-asa.
Pero ang totoo, nagugutom lang talaga ako ngayon lol.




