User interface

Sa larangan ng disenyong industriyal ng interaksiyong tao at kompyuter, ang user interface (UI, literal na ugnayang pantao-makina) ay ang espasyo kung saan nagaganap ang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng tao at makina. Layunin ng interaksiyong ito na pahintulutan ang epektibong pagpapatakbo at pagkontrol ng makina mula sa panig ng tao, habang sabay na nagbibigay ang makina ng mga impormasyong nakatutulong sa proseso ng pagpapasya ng mga gumagamit. Kabilang sa mga halimbawa ng malawak na konseptong ito ang mga interaktibong aspekto ng mga operating system ng kompyuter, mga kasangkapang pangkamay, mga kontrol ng mabibigat na makinarya, at mga kontrol ng proseso. Ang mga konsiderasyon sa pagdidisenyo ng user interface ay kaugnay o sumasaklaw sa mga disiplinang tulad ng ergonomika at sikolohiya.
Sa pangkalahatan, ang layunin ng pagdidisenyo ng user interface ay makalikha ng isang UI na madaling gamitin, episyente, at kasiya-siya (user-friendly) sa pagpapatakbo ng makina sa paraang nagbubunga ng ninanais na resulta (ibig sabihin, pinakamataas na kakayahang magamit o usability). Karaniwan itong nangangahulugan na ang gumagamit ay kailangang magbigay ng kaunting input upang makamit ang ninanais na output, at na binabawasan ng makina ang mga hindi kanais-nais na output para sa gumagamit.
Ang mga user interface ay binubuo ng isa o higit pang mga antas (layers), kabilang ang human–machine interface (HMI) na karaniwang nag-uugnay sa mga makina sa pisikal na input hardware (tulad ng mga keyboard, mouse, o game pad) at output hardware (tulad ng mga monitor ng kompyuter, ispiker, at printer). Ang isang aparatong nagpapatupad ng HMI ay tinatawag na human interface device (HID). Ang mga user interface na hindi na gumagamit ng pisikal na galaw ng mga bahagi ng katawan bilang tagapamagitan sa pagitan ng utak at makina ay hindi gumagamit ng kagamitang pampasok (input) o pampalabas (output) maliban sa mga elektrod; ang mga ito ay tinatawag na brain–computer interface (BCI) o brain–machine interface (BMI).
Ang iba pang katawagan para sa human–machine interface ay man–machine interface (MMI), at kapag ang makina ay isang kompyuter, tinatawag itong human–computer interface. Ang iba pang mga antas ng UI ay maaaring makipag-ugnayan sa isa o higit pang pandama ng tao, kabilang ang: tactile UI (haplos o paghipo), visual UI (paningin), auditory UI (tunog), olfactory UI (pang-amoy), equilibria UI (balanse), at gustatory UI (panlasa). Ang composite user interface (CUI) ay mga UI na nakikipag-ugnayan sa dalawa o higit pang pandama. Ang pinakakaraniwang CUI ay ang graphical user interface (GUI), na binubuo ng tactile UI at visual UI na may kakayahang magpakita ng mga grapika. Kapag dinagdagan ng tunog ang GUI, ito ay nagiging multimedia user interface (MUI). May tatlong malalawak na kategorya ng CUI: standard (pamantayan), virtual (birtuwal), at augmented (awmentado). Ang standard CUI ay gumagamit ng karaniwang human interface device tulad ng keyboard, mouse, at monitor ng kompyuter. Kapag hinaharangan ng CUI ang tunay na mundo upang lumikha ng virtual reality o realidad na birtuwal, ito ay tinatawag na virtual at gumagamit ng virtual reality interface. Kapag naman hindi hinaharangan ang tunay na mundo at lumilikha ng augmented reality o realidad na awmentadao, ito ay tinatawag na augmented at gumagamit ng augmented reality interface. Maaari ring uriin ang CUI batay sa dami ng pandamang kanilang ginagamit, bilang X-sense virtual reality interface o X-sense augmented reality interface, kung saan ang X ay ang bilang ng pandamang sangkot. Halimbawa, ang Smell-O-Vision ay isang 3-sense (3S) standard CUI na may biswal na display o pagpapakita, tunog, at amoy; kapag ang virtual reality interface ay may kasamang amoy at haplos, ito ay tinatawag na 4-sense (4S) virtual reality interface; at kapag ang augmented reality interface ay may kasamang amoy at haplos, ito ay tinatawag na 4-sense (4S) augmented reality interface.
Ang user interface o human–machine interface ay ang bahagi ng makina na humahawak sa interaksiyon sa pagitan ng tao at makina. Ang mga membrane switch, rubber keypad, at touchscreen ay mga halimbawa ng pisikal na bahagi ng Human Machine Interface na maaari nating makita at mahawakan.[1] Ang mga multimodal interface ay nagbibigay-daan sa mga gumagamit na makipag-ugnayan gamit ang higit sa isang paraan ng pagpasok (input modality).[2]
Terminolohiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]May pagkakaiba sa pagitan ng user interface at operator interface o human–machine interface (HMI).
Ang terminong "user interface" ay karaniwang ginagamit sa konteksto ng mga (personal) na sistemang pangkompyuter at mga elektronikong aparato, kung saan ang isang network ng mga kagamitan o kompyuter ay magkakaugnay sa pamamagitan ng MES (Manufacturing Execution System) o host upang magpakita ng impormasyon. Ang human–machine interface (HMI) ay karaniwang nakatuon lamang sa isang makina o kagamitan, at ito ang paraan ng ugnayan sa pagitan ng tao at ng makina/kagamitan. Sa kabilang banda, ang operator interface ay ang paraan ng pag-access o pagkontrol sa maraming kagamitan na magkakaugnay sa pamamagitan ng isang host control system.
Maaaring magbigay ang isang sistema ng ilang user interface upang matugunan ang iba;t ibang uri ng gumagamit. Halimbawa, ang isang computerized library database o kompyuterisadong kalipuna ng datos ng aklatan ay maaaring magkaroon ng dalawang user interface: isa para sa mga patron ng aklatan (may limitadong mga tungkulin at nakatuon sa kadalian ng paggamit) at isa pa para sa mga kawani ng aklatan (mas malawak ang mga tungkulin at nakatuon sa kahusayan).[3]
Ang user interface ng isang mekanikal na sistema, sasakyan, o instalasyong industriyal ay minsan ding tinatawag na human–machine interface (HMI).[4] Ang HMI ay isang pagbabago ng orihinal na terminong MMI (man–machine interface).[5] Sa praktika, madalas pa ring ginagamit ang daglat na MMI.[5] Isa pang daglat ay HCI, subalit mas karaniwan itong ginagamit para sa human–computer interaction.[5] Iba pang terminong ginagamit ay operator interface console (OIC) at operator interface terminal (OIT).[6] Anuman ang daglat, ang mga terminong ito ay tumutukoy sa "patong" (layer) na naghihiwalay sa taong nagpapatakbo ng makina at sa mismong makina.[5] Kung walang malinaw at madaling gamitin na interface, hindi makikipag-ugnayan ang mga tao sa mga sistemang pang-impormasyon.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Eurotherm Parker SSD Link Hardware L5392 | Automation Industrial". l5392.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-01-11.
- ↑ Cohen, Philip R. (1992). "The role of natural language in a multimodal interface". Proceedings of the 5th annual ACM symposium on User interface software and technology - UIST '92 (sa wikang Ingles). pp. 143–149. doi:10.1145/142621.142641. ISBN 0897915496. S2CID 9010570.
- ↑ "The User Experience of Libraries: Serving The Common Good User Experience Magazine". uxpamagazine.org (sa wikang Ingles). 7 Mayo 2017. Nakuha noong 2022-03-23.
- ↑ Griffin, Ben; Baston, Laurel. "Interfaces" (Presentation). peace.saumag.edu (sa wikang Ingles): 5. Inarkibo mula sa orihinal noong 14 Hulyo 2014. Nakuha noong 7 Hunyo 2014.
The user interface of a mechanical system, a vehicle or an industrial installation is sometimes referred to as the human–machine interface (HMI).
- 1 2 3 4 "User Interface Design and Ergonomics" (PDF). Course Cit 811 (sa wikang Ingles). NATIONAL OPEN UNIVERSITY OF NIGERIA: SCHOOL OF SCIENCE AND TECHNOLOGY: 19. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 14 Hulyo 2014. Nakuha noong 7 Hunyo 2014.
In practice, the abbreviation MMI is still frequently used although some may claim that MMI stands for something different now.
- ↑ "Introduction Section". Recent advances in business administration (sa wikang Ingles). [S.l.]: Wseas. 2010. p. 190. ISBN 978-960-474-161-8.
Other terms used are operator interface console (OIC) and operator interface terminal (OIT)