Sa gitna ng kaguluhan sa aking kapaligiran… Sa tabi ng munti kong kangkarot na pinsang inaalagaan… Sa sulok ng kalalakihang naglalaro ng poker, ang aking kaisipan ay naglalakbay ng milya-milya, tinatawid ang Karagatang Pasipiko, tinutulay ang International Date Line, at lumulundag-lundag sa bawat kontinenteng nadaraanan. Sa lbawat lubak ng ulap sa aking gunitang nagkakabuhol-buhol… iisang lunan lang naman ang aking hangganan!!!
Ilang ulit ding iniwasan ng naglalakbay kong diwa ang bawat putok sa kalangitan, ng bawat bansang sumasalubong sa paglipat ng taon. Iba iba ang kanilang kaugalian, ang kanilang pamamaraan, mahuhuli na ako… ahhh huli na ako!!!
Umabot na din ang aking naglalakbay na diwa sa tumpok ng isla ng Bayang Sinilangan… Las Islas Filipinas, bayan kong minamahal… kinakailangan ko na lamang matunton ang bayang pinagmulan, kung saan unang inihiyaw ang katagang “Viva La Independencia Filipina”, dahan-dahan kong tinutugpa ang landas kung saan unang iwinagayway ang bandila ng bansang Pilipinas na hinabi ni Marcela Agoncillo. Ahh…. hanggang sa matunton ko na ang lugar na kinapanawan ng isang Chino na umibig sa isang dalagang nagngangalang Ana. Labis niyang minahal ang dalagang ito subalit hindi naman natugunan ang kanyang damdamin, kaya ng makipagtanan si Ana sa kanyang nobyo, ay nananangis niyang isinigaw ang “Ana bo!” na nangangahulugan ng wala na si Ana. Bilang pagkilala sa kanyang lantay na pag-ibig sa dalaga ay tinawag na Anabu ang lugar na ito. Nakarating na din ako sa aking destinasyon!!!
Sa aking naglalakbay na diwa ay unti unti kong tinugpa ang hagdan pataas sa aming tahanan, “Tao po!” ang sigaw ng aking isip habang binubuksan ko ang pintuan. Laking tuwa kong sinalubong ng yakap ang aking ina… sabay awit…
“aking ina, mahal kong ina, pagmamahal mo aking ina, yakap mo sa akin, hinahanap ko, init na pag-ibig…. kumot ng bunso… sa gitna ng pagkakahimbing, yakap mo ang gigising…”
“Waaaah!!! waaaah!!! waaaahhh!!!” malakas na panahaw ng aking pinsang maliit…
“Yeheeeey!!! Woot! Woot!” ang malakas na sigaw ng mga naglalaro ng poker…
“Baby on the couch! Baby on the couch!” ang wika ng aking pamangkin na ibinaba sa aking tabi.
“How come you don’t let me see?” ang wika ng isang paslit sa mga batang naglalaro ng DS.
Bakit ba ako umawit pa? Bakit ba kinailangan pang ultimo koro silang nagsipagsalita. Napabilis tuloy ng paglalakbay ng aking gunita. Yakap ko pa lamang ang aking ina, ngayon ako’y muling nabalik sa kapaligiran ng mga kaanak kong nagtipon tipon sa paghintay sa paglipat ng taon.
Boom boom day! Sa Pinas, tiyak, bawat bahay ay mag kanya-kanyang paputok, subalit dito sa lugar na aking kinalulugaran ay hindi, may isang espesipikong lunan kung saan naghanda ng iba’t ibang paputok na mapapanood ng ilang minuto. Mga tao dito ay nagtitipon, magsasaya, magsasayaw, ang iba’y tiyak na nasa inuman…
Ako, andito, sa gitna ng kasiyahan ng mga kaanak, naalala ang lugar na pinagmulan… na kahit sa ilang sandali ng pagkawala sa sarili, sila ay makapiling…
Boom boom day… bagong taon, nawa ang lahat ang magdiwang nito ng maligaya!!!
