
Candy, Ghen, Honey, Ehdz & Grace (December 16, 2005)
Sa araw-araw na dumadaan sa ating buhay, nakakatagpo tayo ng mga natatanging tao na ating nakakasama upang mabuo ang isang pahina ng salaysay ng kaganapan sa ating pagkakalalang. Mga taong ating nakakasama upang makilala natin ang tunay nating pagkatao, mga taong isa sa huhubog ating mga sarili. Mga taong maaring makasakit o makagamot sa anumang ating pinagdadaanan. Bawat isa ay gumagawa ng espesyal na lugar sa ating puso, nagiging bahagi ng istorya ng ating buhay.
Dito sa buhay na ito, gumagawa tayo ng desisyon. Desisyong makakapagbago ng takbo ng nakasanayan na nating gawain. Di nga ba at dahil din sa mga pagbabagong ito, muli tayong makakatagpo na panibagong tao na magiging bahagi ng ating buhay.
Subalit sa bawat paglisan, meron tayong iniiwan. Mga naiiwang nagtataglay ng malaking pitak sa ating puso. Mga maiiwang alam nating mag iiwan sa ating mga puso ng puwang na walang sinuman ang maaaring makapuno.
Mahigit isang taon ang nakararaan, bumuo ako ng desisyong naghahangad ng ikapagpapabago ng aking kapalaran. Isang desisyong maglalayo sa akin sa mga taong may natatanging puwang sa aking puso. Mahirap man gawin, subalit ipinagpatuloy upang maisulong ang paglago ng pagkatao at sariling identidad.
Nagkaroon ng munting salo-salo kasama ang mga espesyal na kaibigan. Nakakatuwa. Bawat isa, matapos ang kolehiyo ay pawang mga dalaga pa. Mayroong may nobyo subalit wala pang nagpaplanong lumagay sa buhay may-asawa. Bawat isa ay may mga pangarap pang nais maabot, mga hamong nais lagpasan at nais patunayan. Apat na nga lamang na nagkita, pero panay ang kulitan… turuan, harutan. Nag-aalaskahan kung sino nga ba ang maunang mag-asawa. Bawat isa, ako ang inaalaska, ako ang itinutulak para sa gayong responsibilidad na mariin ko namang tinatanggihan. Saan nga ba nagsimula ang pang aalaskang ako ang mauunang mag-asawa sa tropa? Ahhh, sa isa nga palang mahusay na lalaking nakakita ng aming larawan dapatapwat hindi pa ako nakikilala… ako ang itinurong unang mag-aasawa sa aming magkakabarkada. Pero, makalipas ang isang taon, aking napatunayan na nagkakamali siya.
Isang taon pa lamang makalipas ang aming pagtatapos sa kolehiyo ay nag-asawa na ang isa sa tropa. Bagamat, lumipas pa ang ilang taon bago ito nasundan, subalit dalawa naman ang magkasunod na nagpakasal.
Di nga ba’t unang buwan ng taong mil dos sientos siete ng ako ay umalis ng bansa, makalipas lamang ang dalawang buwan ay nagpakasal ang isa sa aking kaibigan na nangunguna pa ng panunukso sa akin. At matapos ang dalawang buwan, ay sumunod naman ang isa pa. Nakakatuwang balik tanawan ang pangyayari ng kami ay magkakasama, nag-uusap ng mga plano sa pag-aasawa, subalit wala namang natupad dahil sa biglaan nilang pag aasawa.
Mga munting pangarap na nagsimula noong nagsisimula pa lamang kami sa kolehiyo, mga naiisin na hindi naman naisakatuparan. Subalit dalawa pa kaming naiiwan. Maaring isa sa amin ang tumupad sa pangarap na aming binuo noon.
Ahhh, sobrang miss ko na sila. Iba-iba na ang buhay ngaun. Iba-iba na ang tinahak. Nag-asawa na nga ang iba, ang iba ay may anak na. Meron pa ngang hiwalay na sa asawa at may bagong kinakasama. Subalit sila na aking iniwan, ang mga natatangi kong kaibigan na patuloy kong nami-miss at pinapangarap na makasama. Sila ang isang parte ng aking buhay na kailanman ay di ko malilimot, sapagkat isa sila sa bumuo sa aking pagkatao, sa kung ano at sino ako.

January 20, 2007. Ehdz, Grace, Candy, Honey & Nanay Gaying.