
Hindi ko alam kung ano ba talaga ang itinatakbo ng isip ko. Kung ano ba talaga ang gusto kong mangyari sa buhay ko, sa sarili ko. Masyadong malabo ang itinatakbo ng aking isipan. Idagdag pa ang digmaang nagaganap sa aking damdamin. Napapaisip ako, ako ba ay isang salawahan? Wala ba akong ipinagkaiba sa mga babaing nanakit sa damdamin ng mga kaibigan ko sa mundo ng blogosperyo. Hindi naman sana ganun. Pero ewan ko ba, sobrang gulo talaga ng isipan ko.
Hayaan nyong ilahad ko ang nagaganap na digmaan sa aking puso…
Minsan nagmahal ako. Unang pag-ibig habang nasa banyagang bansa. Nauna ako ng isang buwan sa pagparoon sa bansang iyon, kaya naman pagdating niya ay ako ang halos naging guide nya sa lugar. Magkasama kaming naghanap ng trabaho. Share sa pagbabayad ng taxi (since iyon lamang ang means of transportation). Naging mabuti kaming magkaibigan at makalipas nga ang walong buwan ay dinala namin sa panibagong antas ang aming pagkakaibigan. Masaya naman kami, kundi nga lamang sa wala pang isang buwan matapos naming lagyan ng kulay ang aming pagkakaibigan ay kinailangan kong bumalik ng bansa.
Sinubukan naming ipagpatuloy ang nasimulang relasyon, subalit naging mahirap ito para sa kanya dahil siya ang naiwan. Dumating sa puntong sobra siyang na-depress at muntik ng magdesisyong umuwi. Mabuti na lamang at naroon ang kanyang kapatid upang suportahan siya, aliwin at bigyan ng rational na paliwanag sa kung ano ang maaaring mangyari sa kanya kung uuwi sya. Sa kinalaunan, napagpasyahan niyang putulin ang aming relasyon at sinubukang makalimot.
Ilang buwan kong ininda ang napagkayariang desisyon. Desisyong hindi ako kinonsulta man lamang. Basta na lamang natapos ang lahat.
Dahil sa pangyayaring ito kaya naman kumuha ako ng traning para pumarito sa bansang kinaroroonan ko ngayon. Sa training nakakilala ako ng kaibigan na siya kong napaghingahan ng sama ng loob sa naganap sa unang relasyon. Naging napakabuti niya sa akin at nagsilbing isang Ate na nagpapaalala sa tuwing nakikita niyang makasisira sa akin ang desisyong aking ginagawa. Tinulungan niya akong makalimot, inaliw. Dalawa silang naging mabuti kng kaibigan. Isang mistulang ama at isang ate.
Matagal ang hihintaying proseso sa pag-aayos ng aking dokumento kaya naman nagdesisyon akong maghanap muna ng trabaho. Una ay isang Sales Representative/Secretary ng isang Aircon Company na hindi ko tinagalan. Nagdesisyon akong muling tumigil bagkus ay tulungan ang aking kapatid sa kanyang bagong itatayong negosyo. Ang computer shop.
Makalipas pa ang ilang buwan ay muli akong nagdesisyong maghanap ng trabaho. Ng hindi ung halos nasa bahay lang at nakatunganga sa shop (dahil ang computer shop ay nasa ilalim ng aming bahay). Na-empleyo ako sa isang bangko na hindi naman nalalayo sa aming bahay. Nakakatawa lang ako, dahil naghanap ng trabaho, pero hindi naman nalayo sa mismong tahanan ng aking magulang.
Sa bangko ko nakilala siya. Siya na nagbigay ng bagong kulay sa aking buhay. Masyadong naging mabilis ang pagkakapalagayang loob namin. Natapos na din ang kontrata niya sa bangko habang ako ay patuloy na nagtatrabaho doon. Wala namang ipinagkaiba dahil madalas pa din kaming magkita dahil ang kanyang kapatid ay isa sa Branch Manager.
Dumating ang panahon nasa finalization na ang aking mga dokumento. Siya ang kasa-kasama ko sa pag aayos ng papeles. Tagapagbigay suporta at lakas loob sa panahon ng aking interview at medical exam. Nahahati ang loob ko lalo na ng matanggap ko na ang aking Visa. Sapagkat tunay ngang wala ng atrasan ang aking pag alis. Sa mga panahong ito kami nangako na sa aking pagbalik, lalagyan namin ng bigkis ang amng relasyon.
Subalit ngayon, makalipas ang mahigit isang taon, puso ko ay nag aalangan. Handa na ba akong humarap sa ganoong stage ng buhay? Siya na ba talaga? Kami na ba talaga?
Muling nabuksan ang komunikasyon sa pagitan namin ng una kong kasintahan. Di ko maiwasan ang ipagkumpara silang dalawa. Kaya naalangan ako ngayon. Alam kong mali ang aking ginagawang pagkukumpara dahil magkaiba silang tao, iba ng prinsipyo at pananaw sa buhay subalit paano nga ba?
Minsan, sabay kaming nangarap… ngayon, unti unti na nyang naaabot ang realisasyon ng aming pinangarap.
Minsan, sabay kaming nangarap, subalit hanggang ngayon, di siya gumagawa ng sapat ng effort upang matupad ang aming mga pangarap.
Minsan, nagmahal ako subalit pinaghiwalay kami ng sirkumstansyang di namin kayang sakupan at lubos kong nauunawaan ang konsekwensya.
Minsan, nagmahal ako at patuloy na nagmamahal subalit meron akong pag-aalinlangan.
Di ko alam kung ano ang aking gagawin, labis akong naguguluhan. Sana minsan tuluyan ko ng mahanap ang kasagutan sa naguguluhan kong isipan.