Image
 

Bayan Ko, Buhay Ko

•December 13, 2008 • 2 Comments

bayan koMatagal na akong nagbabalak tanggalin ito sa blogosperyo, ang blog na ito.

Hindi. Hindi dahil nilalangaw ito kundi ako mismo, hindi na makabisita dito. Paminsan-minsan, ibinabalik ako dito ng aking keyboard. Dala ng mga kumento ng ibang mga manunulat na naligaw dito. Nakakatuwa, dahil kahit matagal nang walang laman ito, me nakakapansin pa rin sa mga nilalaman nito.

Ginawa ko ang blog na ito, una ay upang pag-aralan ang isang bagong plataporma ng pagsusulat sa blogosperyo. Pangalawa ay upang mailabas ang aking paningin sa aking pinagmulang bayan gamit ang lenggwaheng aking kinamulatan.

Lahat ng bagay ay umuunlad. Mga bagay at kapasidad ng bawat indibidwal. Sa kasalukuyan ay patuloy at regular na ang aking pagpo-post sa isa kong site na ginamitan ko din ng wordpress, ang Anak ni Kulapo.  Ang dalawa ko pang site na syang nagsilbing panimula ko sa pagsusulat sa blogosperyo, ang Literary Ekek at The Antisocial ay buhay pa din.

Dahil hinggil din naman sa pulitika ang tema ng The Antisocial,  naisip kong tuluyan ng isara ang blog na ito.

Naibigay na nito ang una kong adhikain, ang matuto ng wordpress. Ang ikalawang adhikain ko, ang ihinga ang aking saloobin hinggil sa bayan, kahit papano ay naibibigay din ng Antisocial blog. 

Pero sa tuwing mababalik ako sa site na ito, parang binabalikan ko ang dating buhay ko. Buhay ng pakikibaka, buhay ng pagsisilbi sa bayan. Bagamat nasa ibang sulok na ako ng mundo, ang pagkilos para sa pagbabago ay di natatapos. Maraming larangan na kailangang salihan upang maisulong ang pagbabago para sa bayan ko.

Kung kaya sa pinal na pagmumuni muni, mananatili ang site na ito. Dahil katulad ng bayan ko, ito ay parte na ng buhay ko.

Dangtaon

•October 23, 2008 • 2 Comments

Tila ba dangtaon na ang lumipas ng huli kong mabisita ang blog na ito. Ni halos di ko na maapuhap pa ang iba pang mga widget. Kahit pa nga me bago na akong site na wordpress din ang nagpapatakbo.

Parang nanibago ako sa mga lengguwahe dito. Kahit pa ako’y pinoy, dahil Tagalog ang salita dito, karamihan sa mga salita ay mas malalim pa sa balon ng ninuno ko.

Matagal na ang lumipas. Hindi dahil sa nawalan na ako ng sigla sa pagsusulat dito. Sadyang naging abala lamang ako sa iba pang mga gawain. Trabaho at personal na isyu. Pati na rin ang patuloy na pagde-develop ng iba ko pang mga blogs.

Hangang ngayon di ko pa rin mai-sakto ang gagawin ko sa site na ito.

Sa kasalukuyan ay may nakabinbin akong proyekto na katulong ang iba pang mga blogista sa ibat ibang sulok ng mundo. At dahil me pagka pulitika din naman ang tema, parang naiisip kong isara na ito ng tuluyan. Bukod pa sa isa kong Ingles na blog na pulitika din naman ang mga punto, naiisip kong ipagsanib na lamang ang tatlo sa iisang pormal na website.

Magpasagayon man, salamat sa ibang mga naligaw sa site na ito. Kahit pa nga ba nilulumot na ang mga pahina dito, naiisipan nyo pa ring dumaan.

Kailan nga ba Ang Araw ng Kalayaan?

•June 14, 2008 • 17 Comments

Kung ang ibang mga rebolusyonaryo ay napadpad sa gubat, bunsod ng panunugis ng mga iba’t ibang pwersa, kasama na rin ang internal na kadahilanan ng personal na pagnanais, ako ngayon ay napadako sa bago kong pinagkukutaan bunga ng kadahilanang walang kinalaman sa bayan o rebolusyon, kundi ng  rasong sa akin mismo ay parang walang punto o lohika. Ako ay tinangay ng isang malakas na hangin.

Ang isang bagong kasama sa hanapbuhay na isang puti ay nagtanong sa akin, hinggil sa aking pagiging matatas na mag-Ingles at apelyidong Espanyol. Naturalmente ay mauuwi ang usapan sa isang short course sa Philippine History. Kung saan ilang dantaon na nagpasasa ang mga Kastila sa yaman ng Pilipinas. At sa kadahilanang kung gaano ang itinagal ng mga Pilipino sa pamamalakad ng mga Kastila, ganito rin ang tindi ng paglamon ng kulturang Kastila sa ating lokal na kagawian.

At matapos nga noon ay mga Amerikano naman. Sa puntong ito nya nasabi na tayo ay pinalaya ng mga puti mula sa mga mapupusyaw ng mga Kastilaloy sa tinaguriang labanan sa Manila Bay. Kung saan mabilis ko namang sinabi ang aking nalalaman bilang isang Pilipino ang kabalintunaan ng pangyayaring yun. At sya bilang isang Amerikanong puti ay natural namang di alam ang totoo. Na ang Pilipinas kong mahal ay binili ng mga Amerikano mula sa mga Kastila. At bago pa kuno maglaban sa Manila Bay, ay nagkasundo na una pa ang magkalabang pwersa sa kung paano at magkano mapapasa-Amerikano ang bayan.

Tinangap naman nya ito sabay tanong, “so when really is your independence day?”Kailan nga ba?

Sa puntong ito ako natahimik.

Kailan nga ba? Noon bang nagpapalabas ang mga Amerikano at Kastila ng umano’y “labanan” sa Manila Bay habang naghihimagsikan na sa Maynila? Ito ba ay yung araw na itinaas ni Aginaldo ang bandila sa Kawit? Na kung saan ang araw na ito ang ating pormal na ipinagdiriwang? Marahil alam nating lahat na matapos ang paglaladlad ng watawat na ito ay kasunod ang patuloy na panunugis ng mga dayuhang Amerikano sa mga umano’y mga “rebeldeng” Pilipino. Katunayan na sa pananaw ng mga puti, ang Pilipinas ay sakop na nito bago pa nagladlad ng bandila ang mga katipunero.

Katunayan na kahit pa naipakita natin sa mundo na tayo ay “malaya” na mula sa mga Kastila, di pa rin ito ganap. Dahil ilang milya lamang mula sa Kawit, nandon sa Maynila ang mga bagong uri ng mga mananakop. Matapos mahuli si Aguinaldo at pormal na ipinanumpa sa ilalim ng watawat ng Amerika, dumating ang iba pa. Hanggang pormal na gawing Commonwealth property ang Pilipinas. At binago nila ang Araw ng Kalayaan, ginawang July 4, alinsunod sa kanila mismong Independence Day.

Mula sa ibayo, dumating ang mga sakang. Kung saan karamihan ng mga sundalong Hapon, maliban sa mga opisyales at ilang piling indibidwal, ay mga galing kulungan, kung kaya natural ang kalupitan at kasakiman sa mga babae, maging sa mga bakla at mga batang lalaki.

Muli, makalipas ang ilang taon, “pinalaya” tayong muli ng mga Amerikano. Ilang dekada din tayong naging Kayumanggging Amerikano hanggang dumating si Makoy. At kung anumang kalayaan meron tayo, ito ay unti tuning nawala.

Dumating ang Unang Edsa at tayo ay muling naging “malaya”. Pero iniisip ko pa rin, nakailang Edsa na, pero pilit pa rin nating pinapalaya ang ating mga sarili. Malaya nga ba tayo? Kung may mga aktibistang kusa na lamang nawawala, may mga manunulat na bigla na lamang tumitimbuwang, may mga komunidad walang kinalaman na naiipit sa mga labanan, at palaging may banta sa Katimuran, malaya nga ba tayo?

“So, when is your independence day?” tanong ulit sa akin ng kasama kong puti.

“I don’t know man, maybe soon.”

Tulog Mantika

•May 6, 2008 • Leave a Comment

Dili yata at ang utak ko ay nawala. Ang diwa ay parang naunsyaming humimlay. Ilang araw, buwan ding namahinga sa pagsusulat. Wala lang ginawa kundi manood, hanggang mga mata ay kusang kubabawan ng mga dumudugong mga muta.

Kaya siguro parang nawalan ng ulirat, gana at pakialam sa mundo ay tumamlay. O sadya lamang na abala sa mga bagay bagay na walang kinalaman sa external at puro lang internal at personal.

Noong nakaraang linggo, naisip ko… bakit parang nawalan ng talas ang dila ko? Bakit parang nawala ang kapal ng mukha ko? Bakit tila lumamig ang takbo ng utak ko? Dati rati ay parang blade kung makahiwa ang mga naiisip kong mga salita. Noon ay tila wala akong pakialam kahit pa demanda ang katapat ng mga sulat. At ang mga akda ay malinaw na lumalabas ang tindi ng galit at init ng ulo sa mga isyung talaga namang nakapagngangalit ng mga panga.

Paubos na ang bigas dun sa bigasang bayan. Ipinamimigay na ang lupa ng bansa sa mga Intsik. Patapos na ang termino ni Gloria. Umeepal na naman si Palparan. Umaalagwa na naman sa ere ang usapin ng Charter Change. Medyo tahimik na ang isyu ni Lozada. Pero hindi na pa rin natatahimik ang bayan.

Hanggang ngayon, katulad ng mga walang pakialam, tulog mantika pa rin ang utak ko.

Bangayan ng Trapong Batasan

•February 4, 2008 • 5 Comments

ImageHabang sinusulat ko ang akdang ito ay patuloy na nagbabangayan ang mga tongressman sa Batasan. Sa huling pagsilip ko sa inquirer websayt at sa mga sites ng mga lokal na telebisyon, bakante na umano ang Speakership.

E ano naman ngayon?

Oo, interesado rin ako. Dahilan kung bakit ko isinusulat ito. Marahil katulad ko rin ang iba, nakikinig lamang at ng mga kaganapan sa kongreso na animoy isang telenovela o isang palabas sa entabladong gawa sa kariton. Naka-ngiting nagmamasid sa mga kaganapan, parang isang pang-masang komedya ng mga nilalang na sa panlabas na anyo ay kagalang-galang pero sa toto naman ay lubhang kagulang-gulang.

Hindi naman kaila sa lahat na ito ay hindi lamang dahil ayaw na diumano ng mga tongressman sa kanilang grand master na si JDV, kundi sa kadahilanang mas mabigat pa doon… ang ZTE broadband deal na nagkakahalaga ng bilyones.

Image

Nakakatawang isipin dahil sila-sila ang nagbabangayan, nagsasaksakan sa likod. Sa unang tingin talaga nakakatawa. Kumbaga, bahala kayong mag away dyan, tutal pare-pareho lang naman kayo. Marahil sa ganung kalaking halaga, kahit sino ay gagawin ang kahit na ano.

Naalala ko tuloy dun sa probinsya namin, kapag me nag-aaway at nagpapatayan, nanonood lang ang mga pulis. Pag tinanong mo yung pulis kung bakit hindi nya inaawat at bagkus ay pinapanood lamang nya ang mga ito, isasagot ng pulis ay.. “Hayaan mo silang magpatayan, nang maubos na mga siraulo dito sa bayan natin..”

Sa isang banda, me katwiran din naman ang mamang pulis. Kaya hayun, kami rin nakikinood na lang sa mga nagpapatayan. Nagpupustahan pa kung sino ang matitirang matibay.

At katulad nung mga siraulo sa aming bayan, dahil nga wala rin namang mapapala ang bayan sa awayan ng mga dakilang trapo sa Batasan, hahayaan na lang natin sila na magka-ubusan.

Pero sa isip-isip ko rin naman, parang me mali… na kahit na natatawa ako sa mga pinapanood ko, parang talo din ako sa bandang huli. Dahil katulad ng bangayan sa kongreso, ang bayan ang pihadong mauuwing talunan.

Kababuyan ng Edsa

•January 22, 2008 • 12 Comments

ImageSa isang banda, pabor din yata ako dito ke Gloria. Kalimutan na    natin ang Edsa.

Kung iniisip mo, kakampi ko na siya ngayon, malabo mangyari iyon. Dahil sigurado ako magkaiba kami ng dahilan.  Bukod sa delikado para sa kanila ang ganitong mga pagtitipon ng maramihan, na maaaring magpasiklab na naman ng mga kung anu-anong pagkilos, nais lamang niyang makalimutan ng publiko ang totoong mga pangyayari ng Edsa Dos.

Mga pangyayaring ngayon ay mas nauunawaan na ng bayan. Na ang katotohanan… ang Edsa Dos ay isang sistematiko at planadong pagkilos ng mga tinaguriang middle class.  Kasama ang mga kakutsaba nilang mga trapo, mga sundalo at maging ang korte, pilit nilang inagaw ang pwesto ng pagka-pangulo.

Ang Edsa Dos ang naging dahilan upang siya ay mailuklok sa pwesto.  At dahil dala dala nila ang multo nito, ito rin ang magiging tulay upang mapababa siya sa pwesto.

Ang aking dahilan, bagamat kakaiba sa kanya.. ay simple lang.

Kahit na makailang ulit tayong lumahok sa mga ganitong pagkilos, kung hindi natin babaguhin ang bulok na sistema ng ating lipunan, at ang atin mismong mga pananaw sa buhay, lagi lamang itong mauuwi sa wala. At ang ating mga pagod at pagpupunyagi ay tuwinang mawawalan ng saysay.

Kung muli’t muli nating bababuyin ang atin mismong saligang batas, para na rin nating binababoy ang ating mga sarili. Kung hindi rin lang magiging ganap ang pagbabago sa bansa, kabaliwan na masasabi kung muli tayong magtitiwala sa Edsa.

Erap: The Comeback Kid

•January 15, 2008 • 2 Comments

ImageKung dito sa Amerika, tinawag na comeback kid itong si Hillary dahil sa kanyang pagkapanalo sa New Hamshire primary, walang sinabi yan sa Pinoy. Pinoy pa.

Eh sino pa ba ang maituturing na the great comeback kid, kundi si Erap. Matapos masipa sa pwesto ng taumbayan bilang pangulo, matapos, hatulan ng Sandiganbayan ng guilty, naabswelto pa ng mismong karibal nito sa pulitika.

At eto nga at matunog na kinakalampag ng kanyang mga taga-suporta ang kanilang nais na patakbuhin muli si Erap bilang pangulo. Taliwas sa saligang batas, anila ay uubra. At straight from the horse’s mouth, sya umano ang exception to the rule. At hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na inilalantad sa publiko upang umano ay pagmulan ng debate.

Tanggap na hanggang sa kasalukuyan, si Erap ay patuloy pa ring sinasamba ng masa na natural na atang me puso sa mga underdogs at makakalimutin. At sino pa ba ang bibida pa ke Erap. Lalo pa at mismong ang hanay ng oposisyon ay hiwa-hiwalay dahil sa mga nag-aambisyon sa 2010.

Malinaw naman sa sikat ng araw na ang nahalal na pangulo eh hindi na maaari pang mahalal muli. Masipa ka man, makudeta at kung anu-ano pa, isa lang ang malinaw, nahalal ka na. Ibig sabihin, di na pwede ulit.

Ngayon, kung patuloy nilang bubutasin ang ating saligang batas na matagal naman nang butas, baka wala nang sasalo sa mga mamamayan. Sa sobrang pambabalatuba ng mga trapo dito, baka ang masa mismo, tuluyan ng mawalan ng tiwala sa sinasabing saligang batas na ito.

Bakit, wala na bang iba? At kahit may iba pa, may pagkakaiba nga ba?

Halalang Pista ng Bayan

•January 7, 2008 • 4 Comments

ImageHeto na naman. Taon na naman ng halalan. Katulad ng inaasahan ko, makulay na naman. Parang pista ng buong bayan.

Pagpasok pa lamang ng taong kasalukuyan, nagpapahiwatig na ang mga nagnanais tumakbong pangulo. Andyan si Mar Roxas, Manny Villar, Ping Lacson at Loren Legarda mula sa umano’y oposisyon.  Ipinaimbulog din ang mga pangalan ni Mayor Binay ng Makati at ng bagitong si Sen. Chiz Escudero.

Nagpahiwatig din ang mga nasa poder na sina Sec. Teodoro, Mayor Sonny Belmonte, Bayani Fernando, Dick Gordon at Noli De Castro. Pati si Erap, legal man o hindi, ay nagpahiwatig na din. Kaya naman nang-gagalaiti na akong itampok sila rito. 

Hay, ang halalan sa bayan ko. Babaha na naman ng pera. Maglalabasan na naman ang mga nakatagong balon na panggagalingan ng mga pondo. Mag-iindakan na naman ang publiko sa mga maaalindog na mga campaign songs ng mga trapo. Malilibang na naman tayo sa mga patutsadahan at siraan ng mga lalahok. Magsasayawan at magkakantahan na naman ang mga pamosong artista sa mga entabladong gawa sa kahoy at lumang dram.

At ang mga trapo, kanya-kanya na namang caucus para sa endorso ng kung sino-sino. Marami na naman ang maglilipatan ng partido at magpapalitan ng mga kanya-kanyang pabor.

Bukod sa kanilang mga pagmumukha, kakapal na naman ang kanilang mga palad sa walang patumanggang pakikipag-kamay sa publiko. Na kung hindi naman halalan, ay sigurado akong malabo pa sa sikat ng araw na matingnan nila ang mga tao, makamayan pa kaya.

Mangangawit na naman sila kakangiti at kakakaway sa masa, na kung hindi lang naman eleksyon ay hindi naman nila mabigyan ng karampatang tulong, ngiti pa kaya.

At tayo namang mga nagmamasid at nakikilahok, libang na libang sa ilang buwang libreng palabas. Sinasamantala ang pagkakataong kahit sa maikling panahon, ang mga maykapangyarihan ang syang bumababa sa kanilang mga tronong gawa sa ginto.

Ninanamnam ang bawat sandali, na kahit papaano, gaano man kaikli at kahit na parang wala namang malinaw na pagbabagong dala, lalahok at lalahok pa rin tayo. Dahil ito ay pista ng bayan, lahat ay imbitado.

Image

At kung may makita ka man na  pulitikong tumatawid sa alambre at kumakaain ng apoy, sigurado akong hindi ka naman mabibigla.

Where’s Your Spice, Boy?

•January 2, 2008 • 2 Comments

ImageImageBago ang lahat, manigong bagong taon muna sa inyo. Lalo na sa iyo Migz.

Nakalipas na ang pasko at bagong taon, wala pa rin akong narining na balita dito sa ating spice boy.  Nakabalik na’t lahat ang mga lumad sa Bukidnon, di pa rin maapuhap ang kanilang senador.

Nagtataka kasi ako kung bakit sa hinaba-haba ng nilakad nitong mga taga-Sumilao ay wala man lamang tayong narinig mula sa bagong halal na senador ng bansa na “nagkataon” naman na taga-roon din sa Bukidnon.

Nung ipinaramdam ko ang aking obserbasyon sa isang kasamang blogista na si mschumey ng The Philippine Experience, mukha umanong walang balak tulungan itong si highly improbable Sen. Migz Zubiri kundi ang mga taga-Maguindanao. Kung bakit, itanong mo ke Kokoy Pimentel.

Bago ko sana tuluyang isulat ang saloobing ito, ay makuha ko ang kanyang tugon. Pero subalit datapwat…. wala. Sinubukan kong magpadala ng email sa kanyang tanggapan at website hinggil sa isyu, wala pa rin. Marahil naman ay sapat na ang hinintay kong panahon.

Kung ang mga taga-Sumilao, hindi nakakuha ng sagot sa kanya, ako pa kayang isang simpleng blogista lamang?

Ang nakuha ko lang na impormasyon mula sa isang estudyante na sumali sa martsa ng mga Sumilao ay ang dahilang ang ama mismo nitong si H.I. Senator Zubiri ay kakutsaba diumano upang mailipat ang pagmamay-ari ng kwestyonableng lupain mula sa pagmamay-ari ng mga Quisumbing papunta ke Danding.

Kaya ba tahimik kasi guilty?

At sa kagila-gilalas na pagpapakita ng tunay na anyo ng isang tradisyunal na pulitiko, itong si Gov. Zubiri (tatay ng highly improbable) ay kasama pa umano ni Gloria sa Malakanyang nang humarap sa mga magsasakang Sumilao. Nakuha pa nyang yumakap sa mga kawawang magsasaka na hindi lamang maipakita sa publiko ang kanilang nagtutumindig na mga balahibo sa patutsada nitong si Gob.

At nag-inarte pa na bakit umano hindi sa kanya humingi ng tulong ang mga pobre. Pakitang-tao na nga garapal pa. Alam naman nya na alam ng mga magsasaka na sya ay isa sa mga kakutsaba sa kanilang paghihirap.

Mamang senador…. matulungan mo kaya ang buong bayan kung ang mismong kababayan mo ay hindi? Nasan na ang asim mo spiceboy?

Narito po ang official website ni senator. Paki-kulit na din lang dahil ako ay nagsawa na.

Kadre Kadire

•December 16, 2007 • 6 Comments

Naalala ko na naman tuloy yung pelikula na nag-flop sa takilya. Kadre. Di ko na matandaan kung anong taon yun, nasa Zambales pa kasi ako noon. Ang natatandaan ko lang ay ang mga sumusunod.

 Ito ay kwento ng buhay ni Ruben Torres, umano ay isang dating kadre na myembro ng samahang komunista noong panahon ni Makoy at noon ay naging opisyal ng Kagawaran torresng Paggawa at naging Executive Secretary ni Pangulong Ramos.

Ang pelikulang Kadre ay ginawa sa aking pagkaka-alam upang maging dagdag na exposure para sa kanyang pagtakbo bilang Senador.

Malinaw na maraming pondo ang dumaan kay Ruben Torres nung panahon na yun. Katunayan ang kanyang mga campaign posters na pinakamamahalin sa lahat ng tumakbo nung 1998 elections. Dahil likas naman syang taga-roon, may bonus pang pelikula na walang sawang pinapalabas sa buong Zambales.

Pero katulad ng kanyang pelikula, ang kanyang kandidatura ay flop. Palpak. Bukod kasi sa pangit ang pagkakagawa ng istorya ng buhay nya, naging pangit din ang karanasan ng libu-libong mga umasa sa kanya. At kahit na anong kalat ng santambak na mga colored posters nya at pelikula nya, di pa rin umubra.

Naalala ko tuloy yung minsang interbyu sa kanya kung saan sinabi nya na “sya pala ay isang liberal at hindi isang sosyalista”.

Ang pagiging liberal ba nya ang nagbigay sa kanya ng napakaraming pondo upang maka-takbong senador? 

Ang pagiging liberal din ba nya ang nagbigay sa kanya ng dahilan upang paboran si Quisumbing upang ang ekta-ektaryang lupain nito ay hindi mapasakamay ng mga magsasaka ng Sumilao? Ang liberalismo ba niya ang nagtulak sa kanya na itakwil ang karapatan ng mga magsasakang lumad ng Bukidnon sa ilalim ng batas agraryo?

At patuloy nyang tinatawag ang sarili nyang isang kadre.

Maraming ganyan kaibigan. Aktibista, progresibo. Galit sa establisimyento, galit sa pamahalaan, galit sa gobyerno, galit sa sistema at maling kalakaran. Subukan mong ilagay sila sa pwesto at masahol pa sila sa dating naka-upo. Maiisip mo tuloy… kaya pala.

Kadre….. kadire.

 
Design a site like this with WordPress.com
Get started