Aztec

Ang mga Aztec ( /ˈæztɛks/ AZ-teks) ay isang kabihasnang Mesoamerikano na umunlad sa gitnang bahagi ng Mehiko mula noong humigit-kumulang 1300 hanggang 1521. Binubuo ang mga Aztec ng iba't ibang pangkat etniko sa gitnang Mehiko, partikular na ang mga nagsasalita ng wikang Nahuatl. Ang kulturang Aztec ay inorganisa sa mga lungsod-estado (altepetl), na ang ilan ay nagsanib upang bumuo ng mga alyansa, kompederasyong pampolitika, o imperyo. Ang Imperyong Aztec ay isang kompederasyon ng tatlong lungsod-estado na itinatag noong 1427: Tenochtitlan (ang kabisera ng mga Mehika), Tetzcoco, at Tlacopan. Bagaman kadalasang ginagamit ang katawagang Aztec[1] nang makitid upang tumukoy sa mga Mehika ng Tenochtitlan, ginagamit din ito nang mas malawak upang tumukoy sa mga estadong Nahua o mga mamamayan ng gitnang Mehiko noong panahong bago dumating ang mga Kastila,[2] gayundin noong panahon ng kolonyalismong Espanyol (1521–1821).[3]
Karamihan sa mga pangkat etniko ng gitnang Mehiko noong panahong pos-klasiko ay nagbahagi ng mahahalagang katangiang pangkultura ng Mesoamerika.[4] Kabilang sa kultura ng gitnang Mehiko ang pagtatanim ng mais, panlipunang paghahati sa pagitan ng mga maharlika (pipiltin) at mga karaniwang mamamayan (macehualtin), isang panteon, at isang sistemang kalendaryo.[5] Ang mga Mehika ay mga huling dumating sa Lambak ng Mehiko at itinatag ang lungsod-estado ng Tenochtitlan sa mga maliliit na pulo na hindi kanais-nais tirhan sa Lawa ng Texcoco. Kalaunan, naging dominanteng kapangyarihan sila sa Alyansang Tatluhan ng Aztec o Imperyong Aztec, na sumakop sa iba pang lungsod-estado sa buong Mesoamerika. Nagmula ito noong 1427 bilang isang alyansa ng mga lungsod-estado ng Tenochtitlan, Texcoco, at Tlacopan upang talunin ang estadong Tepanec ng Azcapotzalco, na dating nangingibabaw sa Lambak.
Di-nagtagal, ang Texcoco at Tlacopan ay naging mga nakabababang katuwang lamang sa alyansa, habang ang Tenochtitlan ang naging dominanteng kapangyarihan. Pinalawak ng imperyo ang saklaw nito sa pamamagitan ng kalakalan at pananakop ng militar. Hindi ito isang tunay na imperyong teritoryal na kumokontrol sa mga lupain sa pamamagitan ng mga garison ng militar. Sa halip, pinangibabawan nito ang mga lungsod-estado na kliyente sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga kaibigang pinuno, pagtatatag ng mga alyansa sa pag-aasawa sa pagitan ng mga naghaharing dinastiya, at pagpapalaganap ng isang ideolohiyang imperyal.[6] Nagbabayad ng buwis, hindi tributo,[7] ang mga lungsod-estadong kliyente sa emperador ng Aztec, ang Huey Tlatoani, bilang bahagi ng isang estratehiyang pang-ekonomiya na naglilimita sa komunikasyon at kalakalan sa pagitan ng mga estadong nasa malalayong bahagi ng imperyo, at dahil dito ay ginagawa silang umaasa sa sentrong imperyal para sa mga mamahaling kalakal.[8]
Naabot ng imperyo ang pinakamalawak na saklaw nito noong 1519, bago dumating ang mga mananakop na Kastila (conquistador) na pinamunuan ni Hernán Cortés. Nakipag-alyansa si Cortés sa mga lungsod-estado na kumokontra sa mga Mehika. Matapos bumagsak ang Tenochtitlan noong 13 Agosto 1521 at mahuli ang emperador na si Cuauhtémoc, itinatag ng mga Kastila ang Lungsod ng Mehiko sa mga guho ng Tenochtitlan at ipinagpatuloy ang kolonisasyon sa Amerika bilang bahagi ng Imperyong Espanyol.[9] Sa pagkawasak ng estrukturang pampamahalaan ng Imperyong Aztec noong 1521, ginamit ng mga Kastila ang mga lungsod-estado upang pamahalaan ang mga katutubong populasyon sa pamamagitan ng mga lokal na maharlika. Nagsilbi ang mga maharlika bilang mga tagapamagitan sa pangongolekta ng buwis at pagpapakilos ng mga manggagawa, na nagpadali sa pagtatatag ng pamamahalang Kastila.[10]
Pangunahing nalalaman ang kultura at kasaysayan ng mga Aztec mula sa mga ebidensiyang arkeolohiko na natagpuan sa mga paghuhukay, gaya ng sa Templo Mayor sa Lungsod ng Mehiko; mula sa mga katutubong akda; mga salaysay ng mga nakasaksi na mga mananakop na Kastila; at mga paglalarawan sa kultura at kasaysayan ng mga Aztec noong ika-16 at ika-17 dantaon na isinulat ng mga paring Kastila at mga Aztec. Kabilang dito ang Florentine Codex, isang isinalarawang akdang bilingguwal sa Espanyol at Nahuatl na nilikha ng paring Pransiskano na si Bernardino de Sahagún kasama ang mga impormanteng Aztec. Mahalaga sa pag-unawa sa mga Nahua matapos ang pananakop ang pagsasanay sa mga katutubong eskriba na sumulat ng mga tekstong nasa alpabetong Nahuatl, na pangunahing ginawa para sa mga lokal na layunin sa ilalim ng pamamahalang Kastila. Sa kasagsagan nito, nagkaroon ang kulturang Aztec ng mayamang mga tradisyong pampilosopiya, mitolohikal, at panrelihiyon, gayundin ng kahanga-hangang mga tagumpay sa arkitektura at sining.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Why are Aztecs called Mexicas?". mexicanroutes.com (sa wikang Ingles). 4 Nobyembre 2023. Nakuha noong 2023-11-04.
- ↑ e.g.Offner 1983
- ↑ Gibson 1964
- ↑ Smith 1997, pp. 4–7
- ↑ Lucia, Kristin De (2018). "Style, Memory, and the Production of History: Aztec Pottery and the Materialization of a Toltec Legacy" (PDF). Current Anthropology (sa wikang Ingles). 59 (6): 741–764. doi:10.1086/700916. ISSN 0011-3204. S2CID 150354407.
- ↑ Smith 1997, pp. 174–175
- ↑ Smith, Michael E. (2014). "The Aztecs Paid Taxes, Not Tribute". Mexicon (sa wikang Ingles). 36 (1): 19–22. ISSN 0720-5988. JSTOR 43857654.
- ↑ Smith 1997, pp. 176–182
- ↑ "Hernán Cortés conquers the Aztec Empire". History (sa wikang Ingles). 2025-09-22. Nakuha noong 2025-09-22.
- ↑ Cline 2000, pp. 193–197
Mga talababa
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Cline, Sarah (2000). "Native Peoples of Colonial Central Mexico". The Cambridge History of the Native Peoples of the Americas. Vol. 2. Mesoamerica Part 2 (sa wikang Ingles). Cambridge University Press. pp. 187–222. ISBN 978-0-521-65204-9.
- Gibson, Charles (1964). The Aztecs Under Spanish Rule: A History of the Indians of the Valley of Mexico, 1519–1810 (sa wikang Ingles). Stanford: Stanford University Press.
- Offner, Jerome A. (1983). Law and Politics in Aztec Texcoco (sa wikang Ingles). Cambridge: Cambridge University Press. ISBN 978-0-521-23475-7.
- Smith, Michael E. (1997). The Aztecs (sa wikang Ingles) (ika-first (na) labas). Malden, MA: Blackwell Publishing. ISBN 978-0-631-23015-1. OCLC 48579073.